Pagpatay kay Mayor Halili, hindi kaso ng EJK- Malakanyang

Pagpatay kay Mayor Halili, hindi kaso ng EJK- Malakanyang

July 4, 2018 @ 11:56 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang pahayag ng ilang opposition senators na isa pang kaso ng Extra- Judicial Killings (EJK) o patayan na bunga ng tinatawag na drug war na inilunsad ng pamahalaan ang nangyaring pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Premature kung ituring ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag na ito ng mga opposition senators lalo pa’t nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

“Premature. We don’t know what is the reason behind the killing. He is speculating as well. So his speculation is as good as anybody’s speculation,” ayon kay Secretary Roque.

Makabubuti aniya na hintayin na lamang ang resulta ng ikinakasang pagsisiyasat sa nangyaring pamamaslang.

Nakiusap ito na hayaan na lang aniya ang mga awtoridad na gawin ang kanilang trabaho at mula doon ay matumbok ang mga nasa likod ng krimen sa halip na magpakalat ng ispekulasyon na walang pinaghahawakang basehan.

Samantala, nagpaabot rin ng pakikiramay si Sec. Roque sa isa pang Alkalde na pinagbabaril patay na si Mayor Ferdinand Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija. (Kris Jose)