Pagpatay sa 2 bata bigyan ng hustiya – Belmonte

Pagpatay sa 2 bata bigyan ng hustiya – Belmonte

June 20, 2022 @ 7:10 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nais na agad na malutas ng Quezon City Government ang nangyaring pagpatay sa dalawang bata na naganap sa Novaliches noong Hunyo 10.

Dahil dito, inatasan ni QC Mayor Joy Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD) upang maresolba ang krimen at mabigyan ng hustiya ang pagkamatay ng mga biktima.
Napagalaman na bandang alas-10:50 ng umaga nang manyagyari ang insidente sa Barangay Sta. Monica Q.C.

“Kami ay nananawagan sa QCPD na gawin ang lahat ng posibleng paraan upang madakip ang kumitil sa buhay ng dalawang bata,” ani Belmonte.

Sinabi ni PBGEN Remus Medina, QCPD Director, sila ay bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) Zamora Siblings, sa pamumuno ni Col. Redrico Maranan, Deputy District Director for Operations.

Ayon sa ulat ng QCPD, inatake ng gunman ang ama ng mga biktima na si Mitchell Zamora sa harap ng kanyang bahay.

Sugatan, tumakbo si Zamora sa loob ng kanilang bahay ngunit sinundan siya ng mga suspek at nagpaputok ng baril sa harap ng pinto, na sa halip ay tinamaan ang kanyang mga anak na may edad 7 at 3.

Isa ang idineklara na dead on arrival habang ang isa ay namatay habang ginagamot habang nakaligtas naman ang ama ng mga biktima.

Makikita sa security footage na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo at lumipat sa isang itim na sedan sa labasan ng subdivision.

“Ang lahat ng anggulo sa pagsisiyasat ay gagawin ng SITG upang matukoy ang motibo sa pamamaril na ikinasawi ng dalawang musmos na magkapatid. Hindi kami titigil sa pagtugis sa salarin at sisiguraduhin naming mabibigyan ng hustisya ang mga biktima” pahayag pa ni Medina. Jan Sinocruz