Pagpatay sa kagawad inako ng NPA

Pagpatay sa kagawad inako ng NPA

January 17, 2023 @ 8:46 AM 3 weeks ago


NEGROS ORIENTAL – INAKO ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang pamamaril patay sa barangay kagawad, noong Sabado sa labas ng bahay nito sa bayan ng Sibulan.

Sa ipinalabas na pahayag ni Ka JB Regalado ng NPA Leonardo Panaligan Command, inako nilang sila ang pumatay kay Cerilo Barba Balasabas dahil sa pagiging impormante nito ng militar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 6:30 PM nag-uusap sa labas ng kanilang bahay ang biktima at kanyang misis na si Sortcelia ng biglang dumating ang tatlong suspek.

Kwento ni Sortcelia, pinapasok siya ng mga suspek sa loob ng kanilang bahay at sinabing kakausapin lamang nila ang kanyang mister.

Subalit, pagtalikod lamang niya ay nakarinig na siya ng magkakasunod na putok ng baril at nakita ang kanyang asawa na naliligo sa sariling dugo habang mabilis na tumakas ang mga suspek .

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin patay ng umatending doktor na si Dr. Noelah Akut.

Samantala, kinondena naman ni Lt. Col. William Pesase, commanding officer ng Philippine Army 62nd Infantry Battalion (62IB), ang mga pagpatay ng rebeldeng grupo kay Balasabas at sinabing isa lamang ito sa maraming kalupitan na ginawa ng NPA na nagpabaligtad sa kanilang mga tagasuporta laban sa kanila./Mary Anne Sapico