Pagpatay sa Pikit Nat’l HS stude kinondena ni Abalos

Pagpatay sa Pikit Nat’l HS stude kinondena ni Abalos

February 16, 2023 @ 8:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kinokondema ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang walang pakundangang pamamaril sa Pikit, Cotabato na naganap nitong Pebrero 14, 2023, na bumiktima sa mga inosenteng mag-aaral ng Pikit National High School.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DILG kay National Security Adviser Eduardo M. Año at Department of National Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. upang tukuyin at masukol ang mga suspek sa likod ng nasabing pamamaslang.

“Hindi tayo titigil hanggang hindi nagkakaroon ng hustisya ang mga naging biktima at kanilang mga pamilya. Walang puwang ang mga mamamatay-tao sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. lalo na ang kumikitil ng buhay ng mga bata”. pahayag ni DILG secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr.

Napag-alaman na inatasan na rin ng kalihim ang Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na pangunahan ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril katuwang ang ating mga kasama sa DILG at PNP regional offices.

“Our resolve on these heinous crimes will not dwindle as we continue to fulfill our mandate to protect the Filipinos,” saad pa ni Abalos.

“Sa ngalan ng lahat ng mga kawani ng DILG at mga attached agencies nito, buong puso po kaming nakikiramay sa mga nabiktima ng walang habas na pamamaril na ito na patuloy na nagdudulot ng pagkatakot at pagkabalisa sa mga mamamayan ng Pikit, Cotabato. Asahan n’yo pong kami ay makakasama ninyo tungo sa tuluyang pagresolba sa krimeng ito kalakip ang aming pagsusumikap tungo sa pagpapaigting ng kapayapaan sa Mindanao,” ayon pa sa kalihim. Jan Sinocruz