Pagpili ng tamang lider idinaan sa musika

Pagpili ng tamang lider idinaan sa musika

March 22, 2021 @ 4:31 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines-Idinaan sa musika ang nagkakaisang saloobin ng sambayanan para sa pagpili ng tamang lider ng bansa.

Ito’y makaraang lumutang kamakailan sa internet ang ilang mang-aawit na nagpapahayag ng pagkadismaya sa hirap ng mga Filipino at kung ano ang mga katangian ng isang lider na dapat iboto sa susunod na halalan.

Isa na rito si Ely Buendia, dating miyembro ng grupong Eraserheads, sa kanyang kantang Metro.

 Sa pamamagitan ng kanta, ibinahagi ni Buendia ang kanyang pananaw at sa umiiral na sistema sa lipunan.

Ipinahiwatig din ni Buendia na sapat nang dahilan ang mga pahirap sa bansa at mamamayan upang huwag nang maniwala sa mga politikong madalas mangako ngunit palaging napapako.

Isang video rin ni Freddie Aguilar mula sa YouTube ang lumitaw kamakailan at ipinakita ang kanyang awitin na Ang Lider.

Sa kanyang awitin, ipinahayag ni Aguilar ang kanyang saloobin sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas at kawalan ng trabaho ng marami dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19.

Ayon kay Aguilar, mabigat ang papasanin na responsibilidad ng susunod na Pangulo ng bansa kaya dapat lang na bumoto ang taumbayan ng lider na may talino, may kakayahan mamuno at busilak ang puso.

Kabilang din ang grupong Aegis na naglabas ng kanilang awitin na kailangan nang bumangon ng Pilipinas. Ang awitin ay may titulong May Bukas Pa Bangon Bayan.

Ang awitin ng Aegis ay may dalawang bersyon, ang Tagalog at ang Binisaya na may titulo naman na May Ugma Pa Bangon Nasud.

 Ang grupong Asin sa pangunguna ni Lolita Carbon, na itinuturing na isang alamat, ay may inilabas rin na kanta na may pamagat na Bayan Kong Mahal.

Aniya, dapat ang isang lider ay may paninindigan, may sipag, may talino at sa pamumuno ay tapat.

Ang mga awitin nina Ely Buendia, Freddie Aguilar, Aegis at ng grupong Asin ni Lolita Carbon ay nakapost sa YouTube channel ng WeNeedALeaderPH.

Bawat video ay may views na hindi bababa sa 10,000 at may posibilidad na maging viral dahil sa rami ng netizens na nagbabahagi sa mga ito.

Ang WeNeedALeaderPH YouTube channel ay pinatatakbo ng We Need A Leader, 2022 – isang  adbokasiya na pinangungunahan ni dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez. RNT


  •  
  •  
  •