Pagprayoridad sa infra projects sa 2022, sinita ng solon; Palasyo, bumwelta

Pagprayoridad sa infra projects sa 2022, sinita ng solon; Palasyo, bumwelta

August 27, 2021 @ 8:18 AM 10 months ago


Dinepensahan ng Malakanyang ang paglalaan ng malaking pondo sa 2022 national budget sa Build, Build, Build program ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na idinesenyo ang pondo sa 2022 sa dalawang bagay: una, para tugunan ang COVID-19 pandemic, at pangalawa ay siguraduhin makababawi ang ekonomiya.

Ang tugon ni Roque ay mataspos kuwestiyunin ng mga mambabatas ang ‘di umano’y “misplaced” priorities sa 2022 budget plan ng pamahalaan.

Sa ulat, sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program, tanging P12.58 bilyon lamang ang inilaan para sa health infrastructure, sinasabing isang porsiyento lamang ng kabuuang P1.18-trillion 2022 infrastructure budget.

Hindi rin sinuportahan ni Brosas ang tinatawag niyang “preference to overwhelmingly prioritize road networks and other structures” sa ilalim ng “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon.

Sinabi ni Sec. Roque na ang malaking tipak ng panukalang P5.024 trillion national budget para sa 2022 ay gagamitin para pondohan ang infrastructure projects ng administrasyon na makalilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Filipino na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemiya.

“So huwag po nating masamain na malaki po ang ating budget for ‘Build, Build, Build’ kasi ‘yung ‘Build, Build, Build’ po, iyan ang magbibigay ng hanapbuhay sa napakarami nating mga kababayan,”aniya pa rin.

Tiniyak naman ni Sec. Roque sa publiko na sa kabila ng surge sa Covid-19 infections sa bansa, nagagawa pa ring pangasiwaan ng maayos ng pamahalaan ang Covid-19 pandemic.

“Nama-manage naman po natin very well ang ating Covid response,” anito.

Tinukoy ang kamakailan lamang na pahayag ng World Health Organization’s (WHO) ukol sa “pandemic response efforts” ng Pilipinas , sinabi ni Sec. Roque na ang administrasyong Duterte “very good comprehensive plan” para pahintuin ang pagkalat ng Covid-19.

Sinabi ni Sec. Roque na nakatulong ng malaki ang health quarantine protocols para malimitahan ang namamatay sa bansa dahil coronavirus.

Samantala, kinumpirma naman ni Sec. Roque na mayroong “policy shift” para mapigilan ang Covid-19 pandemic.

Inaprubahan naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) “in principle” ang rekumendasyon na payagan ang local government units (LGUs) na magpatupad ng granular lockdowns sa halip na province-wide lockdowns.

Ang karagdagang detalye aniya ay tatalakayin ngayon sa IATF-EID’s meeting.

“Sa mula’t mula po , the science supports and our experience supports the view na mas epektibo po talaga ang localized and granular lockdown,” ani Sec. Roque sabay sabing  “Hintayin po natin ang mga pronouncement ng IATF.We are moving towards a direction na dahil ang LGUs naman talaga ang nakakaalam kung nasaan ang mga area, eh papunta tayo doon sa possible policy shift. It’s a principle that has been approved.”

Ang community quarantine classifications sa bansa ay nakatakdang mapaso sa Agosto 31. Kris Jose