Pagproseso ng telco permits ibinaba sa 20-araw – DILG

Pagproseso ng telco permits ibinaba sa 20-araw – DILG

July 31, 2020 @ 4:50 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinaikli sa 16 hanggang 20-araw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagproseso ng mga permit ng power infrastructure ng  telecommunication companies (telco).

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ito ay matapos mapirmahan kamakailan ang isang joint memorandum circular (JMC) ng ilang ahensya ng gobyerno kung saan inaalis ang ‘red tape’ sa pagpoproseso sa mga lisensya at permit particular na ang pagpapatayo ng common towers para maisaayos ang connectivity.

“Wala na po ‘yun. Sixteen days to 20 days po ang target para sa lahat ng permit,” pahayag ni Año.

Nabatid na dati ay walong buwan pa bago maproseso ang permit ng telco facilities na inilapit ng mga ito sa naganap na pagpupulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Siniguro naman ni Año na susundin ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng pamahalaan ang nasabing direktiba.

Matatandaang nagbabala sa dalawang telco companies si Pangulong Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address na ipasasara niya ang mga ito kung hindi pa nila maaayos ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga ito maging sa government agencies na magpatupad ng plano para mapabilis ang internet connectivity, isulong ang electronic governance, gamitin ang ICT para sa edukasyon at patibayin ang cybersecurity ng bansa. RNT/LF


  •  
  •  
  •  

Loading...