Pagpupugay sa Grandstand tatagal ‘gang alas-11 ng gabi

Pagpupugay sa Grandstand tatagal ‘gang alas-11 ng gabi

January 9, 2023 @ 3:49 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang pila ng Pagpupugay sa Quirino Grandstand hanggang bago maghating gabi mamaya.

Ito ay ayon sa pamunuan ng Minor Basilica of Black Nazarene o ng Quiapo Church.

Dagdag pa, hanggang sa huling misa sa Quiapo Church ng alas-11 ng gabi magpapatuloy ang ‘Pagpupugay’ o ang paghawak o pagpunas sa imahe ng Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.

Ang lahat ng nagsisimba sa Quiapo Church na nais makiisa sa Pagpupugay ay hinikayat naman na magtungo sa nabanggit na lugar.

Ang Pagpupugay ay kapalit ng dating nakasanayan na ‘Pahalik’ ngunit dahil nasa gitna pa rin ng pandemya dulot ng COVID-19 ay may ilang mga pagbabago sa mga patakaran o panuntunan para sa selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno.

Ilan sa mga aktibidad ang binago tulad nga ng Pahalik na ngayon ay tinawag na Pagpupugay at ang Traslacion na ginawa nang Walk of Faith.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy pa rin ang pagdating ng mga deboto sa Grandstand maging sa Quiapo Church.

Naging organisado naman ang pagpasok at paglabas ng mga deboto na maaari lamang dumaan sa mga itinalagang entrance at exit points.

Todo-bantay pa rin ang mga kapulisan ng MPD at iba pang volunteers at personnel mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno para sa seguridad ng bawat deboto. Jocelyn Tabangcura-Domenden