Pagpuslit sa P240M asukal galing Thailand, bulilyaso!

Pagpuslit sa P240M asukal galing Thailand, bulilyaso!

January 15, 2023 @ 8:26 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang tangkang pagpupulist ng aabot sa P240 milyon na halaga ng refined na asukal mula Thailand patungo sa bansa.

Sa ulat, sinabi ng BOC na nasabat ng mga tauhan mula sa Customs Police Division-Enforcement and Security Service (CPD-ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barkong naglalaman ng mga asukal sa bisinidad ng Bauan at Mabini sa Batangas nitong Biyernes, Enero 13.

Ayon pa sa ahensya, nakuha nila ang mga puting refined na asukal na tumitimbang ng 50 kilo kada bag at nakapangalan sa Stone Int’l. Co. Ltd. mula sa shipper nito na The Thai Sugar Trading Corp.

“We are appalled at the audacity of these groups to continue with their activities despite the BOC’s intensified efforts lately to apprehend them. But thankfully, our team is just as relentless and tenacious to, once and for all, end such reprehensible acts,” ani Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa isang pahayag.

Anang BOC, ang operasyon ay kasunod ng natanggap nilang sumbong na naglalaman ng mga asukal na walang notice of arrival na inihain sa ahensya ang barkong Voi MV Sunward.

Naglabas naman ng kaukulang Warrant of Seizure and Detention (WSD) si Batangas Port district collector Rhea Gregorio laban sa barko at kargamento nito. RNT/JGC