Pagreassign ng POEA officials sa DMW, ‘di pwede – Bello

Pagreassign ng POEA officials sa DMW, ‘di pwede – Bello

May 27, 2022 @ 12:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling ipinaalala ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kanyang direktiba na panatilihin ang ‘status quo’ sa pagganap ng mga tungkulin at responsibilidad ng mga tauhan ng POEA, ayon sa memorandum kay POEA Administrator Bernard Olalia noong Mayo 23.

Kasunod ito ng utos kamakailan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Abdullah D. Mama-o sa re-assignment at pagtatalaga ng hindi bababa sa 16 na opisyal ng POEA sa mga bagong posisyon.

Giit ni Bello, hindi maaaring iutos ng DMW Secretary ang reassignment ng sinumang opisyal at empleyado ng POEA habang nakabinbin ang buong konstitusyon ng bagong departamento.

Inilabas ni DMW Secretary Mama-o ang Administrative Order No. 56 Series of 2022 noong Mayo 20 kung saan kanyang ni-reassign at itinalaga sa mga bagong tungkulin ang 16 na opisyal ng POEA, na ang karamihan ay mga hepe at director.

Inatasan pa ni Mama-o ang mga tauhan ng POEA na linisin ang kanilang mga sarili mula sa lahat ng pananagutan sa pag-uulat, ari-arian, at pananalapi at tiyakin ang wastong paglilipat ng lahat ng kanilang mga nakabinbing proyekto at programa, at isumite ang kani-kanilang mga certificates of assumption to duty.

“Ang mga nabanggit na opisyal ng POEA sa ilalim ng DMW Administrative Order No. 56, Series of 2022 na may petsang Mayo 20, 2022, ay mananatili sa ilalim ng direktang pangangasiwa at kontrol ng Kalihim ng DOLE at dapat panatilihin ang status quo sa kanilang pang-araw-araw na operasyon,” wika ni Bello.

Bukod dito, sinabi ng kalihim na ang ipinalabas na DMW Administrative Order (AO) ay sumasalungat sa mga liham ni Executive Secretary Salvador Medialdea gayun din sa opinion ng Department of Justice (DOJ) na ipinalabas ni Secretary Menardo Guevarra.

“Nakahahadlang din ito [DMW AO] sa pagtupad at pangangasiwa ng mga tungkulin, at responsibilidad ng POEA Administrator,” pahayag ni Bello.

Sa ilalim ng Section 23 ng Republic Act No. 11641, hindi maitatatag ang DMW hangga’t walang nakalaang pondo sa 2023 General Appropriations Act, epektibong tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad, at staffing pattern.

Nilinaw din ni Bello na hindi pa ganap na naitatatag ang DMW, kaya’t ang mga ahensya ng pamahalaan na binanggit sa Section 19 ng nasabing batas ay patuloy na iiral nang hiwalay sa pagganap ng kani-kanilang mandato.

Sa kaparehong kautusan, sinabi ni Bello na ang sinumang opisyal o empleyado ng POEA na lalabag sa Memorandum ay papatawan ng administratibong kaparusahan alinsunod sa umiiral na Civil Service Rules and Regulations. Jocelyn Tabangcura-Domenden