Pagrekober sa 4 bangkay sa bumagsak na Cessna plane sa Mayon pahirapan

Pagrekober sa 4 bangkay sa bumagsak na Cessna plane sa Mayon pahirapan

February 24, 2023 @ 10:23 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pahirapan ang pagrekober ng mga labi ng apat na nasawi sa pagbulusok ng Cessna plane sa Mayon volcano bunsod ng makapal na ulap at mapanganib na daan.

Sinabi ni Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo na malabong hindi matapos ang retrieval operations ngayong Biyernes.

“Hindi po kakayanin ngayong araw kasi kahit kahapon, kahit maganda yung panahon dito, nako-coveran ng makapal na ulap yung Mayon. Hindi po makagalaw yung retriever natin doon sa taas,” ani Baldo.

“Kapag ginagalaw nila nang kaunti yung bangkay nagdadausdos pababa ‘yung mga rocks doon kaya delikado po sa mga rescuers po natin,” paliwanag pa ng alkalde.

Sa ngayon, sinabi ni Baldo na ang mga miyembro ng retrieval team ay magtatayo lamang ng mga anchor vault at mga lubid upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Kinilala ang mga nasawi na sina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr. at co-pilot Joel G. Martin, at mga pasaherong sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, kapwa dayuhan. RNT