Pagrepaso sa bilateral labor agreement sa Kuwait ipinag-utos

Pagrepaso sa bilateral labor agreement sa Kuwait ipinag-utos

January 29, 2023 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Department of Migrant Workers (DMW) pagrepaso sa bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, kasunod ng pagkamatay ng overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.

Sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, na ang direktiba ni DMW Secretary Susan Ople ay napapanahon nang irepaso, o pag-aralan, ang bilateral labor agreement at paigtingin ang proteksyon sa mga OFWs.

Si Ranara na umano’y ni-rape at nabuntis ng 17 anyos na anak ng kanyang amo ay natagpuan sa gitna ng disyerto sa Kuwait.

Sinabi ng DMW na titingnan din nito ang proseso ng recruitment at mga pamantayan para mabigyan ng higit na proteksyon ang mga OFW.

Aniya, ang bilateral agreement, na nilagdaan noong 2018 at nag-expire noong Mayo 2022, ay awtomatikong na-renew dahil sa automatic renewal clause.

Gayunpaman, sinabi niya na ang gobyerno ng Kuwait ay nangakong bibigyan ng hustisya ang pamilya ni Ranara.

ā€œIniulat din ni Secretary Toots kahapon sa kaniyang presscon na sumulat ang ambassador ng Kuwait to the Philippines ng sulat sa pamilya, sa nanay ni Jullebee, assuring them that mayroon nang imbestigasyon na nagaganap under the Kuwaiti justice system, and that justice will be delivered to the family for the death of OFW Ranara,ā€ sabi ng DMW.

Dagdag pa ng opisyal, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DMW sa pamilya ng biktima na hiniling na muling i-autopsy ng National Bureau of Investigation ang kanyang labi.

Ang katawan ni Ranara ay dumating sa Maynila noong Biyernes ng gabi, Enero 27.

Habang naglabas na ng kautusan para sa preventive suspension laban sa employer ni Ranara.

Ayon kay Cacdac, mayroong 268,000 Filipino sa Kuwait, kung saan 195,000 ay mga domestic workers.

Matatandaan na Enero 2020 nang aaprubahan ng gobyerno ng Pilipinas ang total deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng Filipina migrant worker na si Jeanelyn Villavende. Jocelyn Tabangcura-Domenden