Pagresolba sa election protests, poll cases pabibilisin ng Comelec

Pagresolba sa election protests, poll cases pabibilisin ng Comelec

March 8, 2023 @ 2:18 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako si Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia nitong Miyerkules, Marso 8 na pabibilisin pa ng ahensya ang pagresolba sa mga election protests at iba pang kaso na may kinalaman sa halalan.

Kasunod ito ng sinabi ni Senador Risa Hontiveros na nakaapekto sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang mahabang tugon sa resolusyon kaugnay ng kanyang election protest, kasama ang iba pang poll disputes na hinahawakan ng Comelec.

Ani Garcia, bagama’t naresolba na ng Comelec ang nasa 9,000 kaso, mayroon pa ring 2,000 pending resolution.

“Our timetable is that we will resolve these [2,000] before the filing of candidacy [for the May 2025 polls] in October 2024,” pahayag ni Garcia sa panayam ng DZBB.

“We [also] commit that in October 2024, we will resolve all the [cases of] nuisance candidates within the same year so that we won’t proclaim the wrong person, at iyong boto ng tunay na nanalo ay nabibilang at hindi napupunta sa nuisance candidates,” dagdag pa ni Garcia.

Sa kabila nito, nilinaw naman niya na hindi sakop ng kanilang hurisdiksyon ang mga naiproklama nang panalo sa House of Representatives, Senado, Bise Presidente at Presidente, na nasa ilalim na ng House of Representatives Electoral Tribunal, Senate Electoral Tribunal at Supreme Court bilang Presidential Electoral Tribunal.

Tanggap naman ni Garcia ang sinabi ni Hontiveros sa apela nito sa Comelec, lalo pa’t kulang talaga ng tao ang komisyon para iproseso ang lahat ng electoral protests na inihain sa kasagsagan ng May 2022 elections.

“We respect Senator Hontiveros, her observation is right. Pero dapat rin po maintindihan ng sambayanang Pilipino na pre-election, election proper, post-election, libo-libo po ang tinatanggap na protesta ng Comelec. There’s disqualification, cancellation of candidacy, annulment of proclamation, failure of elections, among others,” ani Garcia.

“And also this last election, only four Comelec Commissioners were left before I came in. In that scenario, if one commissioner won’t participate in deliberation of one case, quorum (enough attendance) won’t be reached. Kaya nagkaroon po talaga ng kaunting problema that time. At totoo po na dapat talaga pabilisin ang proseso ng mga kaso dito sa Comelec,” pagpapatuloy niya.

Nitong Pebrero lamang nang sang-ayunan ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec na ideklara si Degamo bilang nanalo sa 2022 Negros Oriental gubernatorial race.

Para sa SC, sang-ayon sa desisyon ng Comelec, si Grego “Ruel” Degamo ay isang nuisance candidate, at ang boto na dapat para kay “Ruel” ay mapunta kay Roel Degamo.

Noong Sabado, Marso 4 ay pinagbabaril-patay si Degamo kasama ang walo iba pa ng mga armadong kalalakihan sa tirahan nito sa Pamplona, Negros Oriental. RNT/JGC