Pagresolba sa karahasan vs poll officers pinabibilisan

Pagresolba sa karahasan vs poll officers pinabibilisan

January 22, 2023 @ 8:52 AM 6 days ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Sabado, Enero 21 sa Philippine National Police (PNP) na pabilisin ang pagresolba sa kaso ng karahasan laban sa mga election officers.

Ito ang naging panawagan ni Garcia matapos itong makipagkita kay Aknam Hasim, isang election officer na nabulag nang barilin habang papunta sa Office of Provincial Election Supervisor noong Oktubre 2021.

Kapamilya din ni Ruayna Sayyadi, isa ring election officer na napatay naman noong Hulyo 2022.

“Kami po sa Comelec, ‘yun ang gusto kong panindigan na sa ating pamamahala, hindi pupwedeng basta nangyari na lang ‘yon. Kaya nga kanina ang kauna-unahan kong tanong ay kung ano ang kalagayan nila at ang pangalawang tanong kung ano na ang update sa imbestigasyon,” ani Garcia.

“Meron na ba tayong lead kasi napaka-importante, hindi naman pupwedeng basta nangyari lang ‘yon. Sasabihin nila na napaka-powerful ng Comelec. Di ba ang sinasabi nga nila ang chairman ng Comelec ang pinaka-powerful, more powerful than the president during the election period tapos hindi ma-solve ‘yung mga ganitong klaseng mga krimen,” dagdag pa niya.

Aniya, ang mga karahasang ito ay naganap bago at pagkatapos ng eleksyon.

Idiniin naman ni Garcia na hindi na dapat maulit ang mga ganitong insidente.

“Hindi rin naman pupwedeng basta lang namin palalampasin yan. Ide-demand pa rin natin sa mga kinauukulan lalong-lalo na sa ating kapulisan na kung pupwede, ‘wag kakalimutan at magkaroon ng direksyon ang ginagawang imbestigasyon kasi otherwise, mangyayari na naman ‘yan at baka yung gumawa sa kanya baka naman ‘yung susunod at ‘yung papalit sa kanya, ‘yon naman din ang gagawan ng kasamaan,” aniya.

“Dapat matigil na ‘yan. Dapat mahinto na yan. Dapat hanggang sa kapatid niyo na lang at sa kanya (election officer Hasim) ‘yung karahasan na ‘yan,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan ay wala pa umanong impormasyon patungkol sa mga salarin sa nangyaring pamamaril ngunit patuloy na umano itong nakikiusap sa PNP at iba pang enforcement agency na pabilisin na ang pagbibigay ng hustisya sa biktima.

“‘Yun nga ang patuloy nating pakiusap sa PNP at sa ibang mga enforcement agency na sana mabigyan na kami ng kaliwanagan,” pagbabahagi ni Garcia.

“‘Wag naman po sana ‘yung mga kasamahan namin o kami ang inyong sasaktan. Sana po ay makilala niyo rin na ang eleksyon ay binebenta niyo ang sarili ninyo sa ating mamamayan,” dagdag pa niya. RNT/JGC