Pagresolba sa legitimacy case ng PDP-Laban pinapaspasan na

Pagresolba sa legitimacy case ng PDP-Laban pinapaspasan na

March 24, 2022 @ 10:22 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Umaasa si Commission on Elections Commissioner George Garcia na mareresolba ng poll body ang legitimacy case ng PDP-Laban bago matapos ang Marso.

Sinabi ni Garcia sa panayam ng isang network na inutusan sila ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan sa en banc meeting noong nakaraang linggo upang mapabilis ang pagresolba ng kaso ng PDP-Laban.

“I was really hoping that we will be able to resolve this controversy involving the intra-party dispute of this party before the end of March. We should be able to do that in order to raise any doubt,” sabi ni Garcia .

Ang mga kampo nina Cusi at Pacquiao, na parehong nagsasabing sila ang mga lehitimong pinuno ng partidong pulitikal, ay nagsumite sa parehong taon ng kanilang Sworn Information Update Statement (SIUS) sa Comelec para sa May 2022 polls.

Sinabi ni Garcia na hindi siya sasali sa pagresolba ng kaso.

“I’m not participating in the deliberation or in acting on the petition, simply because I used to be a lawyer of the PDP-Laban when both camps were still united…Prudence dictates that I should not participate,” ani Garcia.

Kung hihilingin aniya ang kanyang guidance halimbawa, magbibigay ito ng kaalaman o historical background ngunit hindi siya makikibahagi, hindi maiimpluwensyahan o anuman ang kalalabasan ng kasong ito. Dapat umano itong mapagpasyahan nang malaya nang walang kinikilingan ng Komisyon.

Ipinahayag din ni Garcia na may tunggalian pa rin kung alin sa pagitan ng Certificate of Nomination Acceptance (CONA) ng kandidato ang dapat manaig ng dalawang partido.

Nitong Miyerkules, sinabi niya na wala pang resolusyon kung aling grupo ang dapat kabilang sa PDP-Laban bilang isang partido.

“The resolution of this controversy is so important because there’s other certain implications or collaterals that will be resolved because of the resolution of this controversy,” ayon pa kay Garcia.

Kasalukuyang nahahati ang partido pulitikal sa dalawang magkaibang paksyon: ang isa ay pinamumunuan nina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Manny Pacquiao, at ang isa naman ay pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Kamakailan ay nagpahayag ng suporta si Cusi sa kandidatura ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Nauna nitong sinuportahan ang kandidatura ni Senador Christopher “Bong” Go na kalaunan ay umatras. Ang isa naman ay sumusuporta sa pagkandidato sa pagkapangulo ni Pacquiao.

Nauna nang naghain ang Cusi wing noong nakaraang taon ng petisyon na humihiling sa poll body na ideklara ang pangkat ni Pacquiao bilang mga iligal na kinatawan ng PDP-Laban. Jocelyn Tabangcura-Domenden