Pagsalubong sa Bagong Taon ‘generally peaceful’ – PNP

Pagsalubong sa Bagong Taon ‘generally peaceful’ – PNP

January 2, 2023 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naging mapayapa ang kabuuan ng pagdiriwang ng Bagong Taon ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 2.

Ito ay sa kabila ng mga naitalang kaso ng stray bullet incidents at illegal firecrackers.

Sa televised public briefing, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan na mas mapayapa at ligtas ang ginawang pamamaraan ng mga Filipino upang salubungin ang Bagong Taon.

“Ang atin pong overall assessment sa pagsalubong po ng ating mga kababayan sa Bagong Taon ay generally and relatively peaceful po,” aniya.

Wala rin umanong naitalang mga malalaking insidente na nakagambala sa selebrasyon.

Sa kabila nito, iniulat ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroong tatlong insidente ng indiscriminate firing kasabay ng New Year celebration.

“Maliban po dito sa insidente sa Occidental Mindoro, may dalawa pa po tayong naitalang insidente po ng indiscriminate firing,” aniya, sa panayam ng GMA News.

Inaresto na ang mga suspek na sangkot sa tatlong insidente at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11926 o indiscriminate discharge of firearms. RNT/JGC