Pagsasabatas ng PUV modernization program hirit ng LTFRB

Pagsasabatas ng PUV modernization program hirit ng LTFRB

December 2, 2022 @ 5:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihihirit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang institusyonalisasyon sa PUV modernization program.

Ito ang sinabi ni LTFRB Executive Director Robert Peig kung saan kung gagawing batas ang modernization program ay hindi na lamang ito magiging isang special project.

“Sa ngayon kasi ay isa itong special project at aming proposal ay maging regular na function ng LTFRB itong PUV [modernization program] para tuloy-tuloy ang pagsasaayos ng ating transportation sa buong bansa,” ani Peig kasabay ng public briefing.

“Para tuloy-tuloy na proyekto ito ng ating ahensya at departamento para ito sa ating mga operators na makapagbigay ng maayos na safe na transportasyon para sa ating mga mananakay,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan ay nasa 7,873 na mga public utility vehicles na ang maikukunsiderang “modernized” at umaasa siya na mas marami pa ang magiging bahagi nito sa susunod na taon.

Ayon sa LTFRB, kasabay nito ay nagpapatuloy din ang loan applications para sa mga operator na nais na i-modernize ang kanilang mga unit.

Ang pahayag ay kasunod ng ulat na nagpaplano na ang pamunuan ng LTFRB na isulong ang legislasyon ng modernization program upang masakop na nito ang lahat ng pampublikong transportasyon sa buong bansa.

Matatandaan na ngayong taon din ay itinanggi ng aensya na isasailalim na sa phase out ang mga tradisyunal na jeepney sa pagpapatuloy ng public transport modernization.

Layon ng modernization program ay maiwasan ang mapanganib na vehicular emission at iba pang aksidente na maaaring idulot ng mga lumang sasakyan. RNT/JGC