Pagsasalegal ng marijuana sa Pinas itinutulak ni Padilla

Pagsasalegal ng marijuana sa Pinas itinutulak ni Padilla

July 22, 2022 @ 10:53 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na payagan sa Pilipinas ang paggamit ng medical marijuana o cannabis at sa mas malawak na pananaliksik dito bilang gamot.

Ani Padilla sa Senate Bill 230, matagal nang ginamit ang marijuana bilang herbal medicine para sa mga karamdaman tulad ng gout, rheumatism, at malaria.

Nguni’t iginiit din niya na dapat magkaroon ng parusa sa pag-abuso ng marijuana.

“The State should, by way of exception, allow the use of cannabis for compassionate purposes to promote the health and well-being of citizens proven to be in dire need of such while at the same time providing the strictest regulations to ensure that abuses for casual use or profiteering be avoided,” ayon sa mambabatas.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang medical cannabis – na produkto na tulad ng capsule at oil at hindi ang raw cannabis – ay gagamitin para sa “debilitating medical condition” ng “qualified patients.”

Ang “debilitating medical condition” ay limitado sa cancer, glaucoma, multiple sclerosis, damage sa nervous system ng spinal cord, epilepsy, HIV/AIDS, rheumatoid arthritis or similar chronic autoimmune deficiency, sakit na nangangailangan ng hospice care, severe nausea, sleep disorders, mood disorders, recurring migraine headaches, at iba pang debilitating medical condition ayon sa Department of Health sa pamamagitan ng Medical Cannabis Advisory Committee.

Magiging principal regulatory agency ang DOH na magtatayo ng Medical Cannabis Compassionate Center (MCCC) sa public tertiary hospitals at gagawa ng Prescription Monitoring System at electronic database ng registered medical cannabis patients at physicians.

Ang Food and Drug Administration ang magte-testing sa medical cannabis product, habang ang Dangerous Drugs Board at Philippine Drug Enforcement Agency ang magmo-monitor at magre-regulate ng medical cannabis.

Samantala, ang DOH ang mag-i-issue ng registry ID cards sa qualified medical cannabis patients.

May mga safeguards ang panukalang batas para tiyaking hindi maaabuso ang marijuana. Kasama sa mga parusa ang:

* 12 taong kulong at multa hanggang P10 milyon sa qualified patients na mag-aabuso ng cannabis; o magbibigay o magbebenta ng medical cannabis;

* 12 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa opisyal o myembro ng MCCC na mag-dispense ng medical cannabis nang walang written certification ng certifying physician o registry ID card ng qualified patient;

* 12 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa magpepeke ng ID card o S2 license para makakuha ng medical cannabis;

* 20 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa duktor na nag-certify at prescribe ng medical cannabis na walang S2 license o nag-prescribe para sa pasyenteng hindi kwalipikado – o nag-prescribe ng cannabis para sa sarili o sa kamaganak hanggang fourth civil degree of consanguinity or affinity;

* 20 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa opisyal o empleyado ng MCCC na nag-supply ng medical cannabis sa hindi kwalipikadong pasyente;

* 20 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa kahit na sinong bibili ng medical cannabis kahit hindi awtorisado;

Maaaring suspindihin o bawiin ang professional license ng duktor na lumabag sa probisyon ng panukalang batas.

Isinulong din ng panukalang batas ang pagpapalawak ng research and development para sa medical cannabis – at ang training ng medical cannabis physicians at pharmacists. Ernie Reyes