Pagsigla ng ekonomiya kaysa pag-alis ng facemask, target ng P’que LGU

Pagsigla ng ekonomiya kaysa pag-alis ng facemask, target ng P’que LGU

June 16, 2022 @ 2:07 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Binibigyan ng prayoridad ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pagpapasigla ng ekonomiya at hindi ang pag-aalis ng mandatoryong pagsusuot ng facemask sa lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ipagpapatuloy pa rin ang mandatoryong pagsusuot ng face mask gayundin ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa lungsod bilang bahagi ng pakikipaglaban sa epekto ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Ipinaliwanag din ng lokal na pamahalaan na tatanggalin lamang ang mandatoryong pagsusuot ng facemask sa lungsod kung maglalabas ng rekomendasyon o pahayag ang gobyerno sa pagpapaalis nito.

Nanindigan pa rin ang lokal na pamahalaan sa pagsusuot ng facemask sa lungsod taliwas sa paniniwala ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa kanyang pag-isyu ng isang executive order na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemask sa nabanggit na probinsya.

Samantala, base sa huling datos ng City Health Office (CHO) ay nakapagtala ang lungsod ng 10 bagong kaso ng COVID-19 kung saan umakyat na ang bilang nito sa 25 aktibong kaso ng COVID-19.

Kasabay nito ay hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga indibidwal na nasa mga kategorya ng of A1 (health workers), A2 (senior citizens) pati na rin ang mga may comorbidities na magpabakuna na ng kanilang ikalawang booster shot para na rin makadagdag ng proteksyon sa kanilang mga kalusugan.

Sa kasalukuyan ay nasa 4 na porsiyento pa lamang o katumbas ng 14,000 indibidwal ang nakapagpaturok ng ikalawang booster shot sa lungsod. James I. Catapusan