Pagsirit ng COVID-19 sumasadsad sa Bulacan

Pagsirit ng COVID-19 sumasadsad sa Bulacan

January 25, 2022 @ 4:49 PM 8 months ago


Bulacan-Kung mabilis ang pasirit ng kaso ng COVID-19 sa huling linggo ng Disyembre ay sumasadsad ito pababa sa loob lamang ng isang linggo nitong Enero sa lalawigang ito.

Sa update ng Provincial Health Office (PHO),sumadsad sa pinakamababang bilang na 51 ang naging aktibong kaso bandang 4:00 pm noong Disyembre 27.

Nang sumunod na araw ay muling pumalo sa 70 ang bilang at dito nag-umpisang sumirit hanggang sa maabot ang 10,551 na naitalang pinakamataas na aktibong kaso nitong Enero 17 bandang 4:pm.

Naramdaman naman muli kinabukasan ang unti-unting pagsadsad nang magtala  ng 10,343 aktibong kaso.

Nasundan ang patuloy na pagsadsad nitong Enero 19 bandang 4:00 pm nang magtala ng 10,098 aktibong kaso hanggang sa sumubsob sa bilang na 7,118 nitong Enero 24.

Umabot naman sa kabuuang 97,689 ang nakarekober habang may naitalang 1,512 namatay at may 106,319 kabuuang beripikadong kaso simula noong Marso 2022

Payo ng PHO,anumang COVID-19 variants pa ang dumating ay kayang mapigilan ang pagkalat nito kung patuloy na susunod sa minimum public health standard.

“Huwag maging kampante,sapat na ingat ang kailangan para COVID-19 variants ay maiwasan,”anang PHO sa kanyang Facebook post.(Dick Mirasol III)