PAGSOPLA SA ICC TAMA LANG

PAGSOPLA SA ICC TAMA LANG

February 20, 2023 @ 1:50 PM 1 month ago


TAMA lang na itigil nang International Criminal Court ang pagpipilit nitong magsagawa ng imbestigasyon at kalauna’y paglitis kay  dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Roa Duterte.

Pinakahuling nagsalita mismo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nagsabing walang hurisdiksyon ang ICC kay Duterte at paglabag din ito sa soberenya ng bansa.

Ayon sa batas ng ICC, magkaroon lang ito ng kapangyarihang mag-imbestiga at maglitis ng mga lider ng bansa sa mga krimeng sakop nito kung hindi gumagana ang sistemang pangkatarungan sa bansa ng mga ito.

Ayon sa Pangulo, gumagana ang mga sangay ng pamahalaan gaya ng mga korte, pulis at iba pa kaya walang dahilan upang magsagawa ang ICC ng imbestigasyon sa ating bansa.

Malinaw ring idiniin ni Presidente Marcos na hindi pupwedeng makialam at mamayani ang sinomang dayuhan sa bansa dahil hindi na tayo kolonya ng mga ito at tayo’y isa nang malayang bayan.

Nauna rito, may panukala nang batas sa Kamara na suportado ng maraming mambabatas para ipagtanggol si dating Pangulong Digong mula sa pagpipilit ng mga dayuhan na imbestigahan, litisin at ikulong ito.

Pinangunahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayong isang mambabatas, ang nasabing panukala na nagsabing naranasan nito mismo ang makulong, mademanda, malitis sa kamay ni dating Pangulong Noynoy Aquino ngunit lumabas na walang basehan ang mga paratang kaya pinawalang-sala ito ng hukuman.

Nauna pa rito, sinabi ng eksperto sa batas na si Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na pupwedeng ikulong ang sinomang taga-ICC na pumasok at magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas.

Isa pa, wala na talagang hurisdiksyon ang ICC sa Pinas dahil kumalas na tayo bilang miyembro nito.

Kasama na natin ang napakalalaking bansa na ayaw magpasakop sa ICC at nabibilang dito ang United States. Russia, China, India, Israel, Qatar, Iraq, Libya, Burundi at iba pa.

Bakit ipabibilanggo ang Pangulo na gumamit ng kanyang kapangyarihan upang ipagtanggol ang Pinas sa kamay ng mga durugista at korap na klaro namang salot sa lipunan?