PAGSUGPO SA KRIMEN AT TIWALA SA PULIS

PAGSUGPO SA KRIMEN AT TIWALA SA PULIS

September 15, 2022 @ 5:10 PM 2 weeks ago


TILA nasaktan si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr. sa pagpuna ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang liderato dahil sa sunod-sunod na karumal-dumal na krimeng nangyayari ngayon sa bansa.

Ayon kay Dela Rosa, “walang asim” ang kampanya ni Azurin kontra krimen. Walang “asim”, ibig sabihin ay walang dating, walang arrive o walang binatbat.

Noong si Bato ang PNP chief, sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, siya ang naging promotor ng “Oplan Tokhang”, isang kampanya sa pagsugpo laban sa iligal na droga.

Nangangatok ang mga pulis noon sa bahay-bahay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga at pinakikiusapang sumuko.

Ang resulta, libu-libong umano’y tulak at adik sa droga ang namatay matapos daw “manlaban”.

Ganito siguro ang sinasabi ni Senator Bato na dapat ay “may asim” na kampanya ng PNP laban sa krimen.

Sinabi ng kasalukuyang PNP chief na nirerespeto niya ang opinyon ni Sen. Bato ngunit dapat ay irespeto rin ang kanyang sariling paraan o estilo sa pagpapatupad ng peace and order sa bansa.

Isa na rito aniya ang pagpapaigting ng ugnayan ng PNP sa mga local officials hanggang sa barangay level.

Sinabi ni Azurin na kailangang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga pulis at ang pananaw na ang pulisya ay kakampi at hindi kaaway.

Ngunit papaano masusugpo ang krimen at maibabalik ang tiwala ng publiko sa pulis kung ang mga unipormadong may pistola ay batugan at arogante?

Hindi kaya dapat ay mag-ikot-ikot si Azurin sa mga presinto o community precincts sa bandang madaling-araw upang malaman niya na hindi tutulog-tulog sa pansitan sa kanyang mga tauhan.

Maraming presinto at community precincts na sarado o mistulang ginagawa ng hotel ni hepe at ilan niyang pulis kaya hindi malapitan ng mga nais mag-report ng krimen.

Nakahihiya nga naman kasing istorbohin si hepe at bantay na pulis kung mahimbing na silang natutulog…sa presinto.

Totoo nga namang may nagpapatrolyang mobile ngunit hindi nagtatagal ay nawawala rin. Kulang na kulang ang mga umiikot na mobile police car. May mga checkpoint ngunit hindi rin nagtatagal sa kanilang mga puwesto ang mga pulis.

At ang matindi, may mga mobile car nga na nakahimpil at nakabukas ang blinker sa isang alanganing lugar pero kapag tiningnan, wala itong pulis. Nasaan sila?

Maganda siguro kung gagayahin ni Azurin si dating PNP chief PGen. Guillermo Eleazar na sorpresang binibisita ang mga presinto o outpost ng pulis para malaman kung nagtatrabaho pa rin ba ang mga ito sa dis-oras ng gabi kung kailan umaatake ang mga kriminal.

Baka sa pamamagitan nito, masugpo kahit papaano ang mga krimen at bumalik ang tiwala ng publiko sapagkat mayroon na silang mapagsusumbungan sa oras na mangailangan ng saklolo.