Pagsulat ng DSWD sa pabayang ama labas sa mandato nito-DOJ

Pagsulat ng DSWD sa pabayang ama labas sa mandato nito-DOJ

November 25, 2022 @ 8:30 AM 2 days ago


MANILA, Philippines – Hindi sakop ng mandato ng Department of Social Welfare and Development ang pagpapadala ng sulat sa mga ama na nabigo sa pagbibigay ng suporta para sa kanilang mga anak para mapaalalahanan sila sa posibleng sibil at kriminal na kaso.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pagpapaalam ng DSWD sa mga pabaya na ama ng posibleng “sibil at kriminal na kahihinatnan kung hindi maayos na ibinigay ang suportang pinansyal” ay maihahalintulad sa isang demand letter, at labas ito sa mandato ng ahensya.

Aniya, maaari rin itong magpakita na parang nag-aabogado ang DSWD sa ngalan ng mga menor de edad.

“Undoubtedly, the intention is noble; however, the act of doing so may be beyond the DSWD’s afore-quoted mandate for it may already constitute providing legal service to the minor child/children,” dagdag pa ni Remulla.

“Moreover, only the courts can legally compel those fathers to give financial support to their child/children pursuant to a case filed for that purpose,” dagdag pa niya.

Ang naging tugon ni Remulla ay base sa paghingi ng legal na opinyon ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa DOJ sa nasabing isyu.

Noong Oktubre, nakipagtulungan ang DSWD sa Public Attorney’s Office (PAO) para magsampa ng mga reklamo laban sa mga estranged fathers. Sinabi ni Tulfo na susulatan niya ang mga ama at hikayatin silang suportahan ang kanilang mga anak.

Sinabi ni Remulla na maaaring tulungan ng DSWD ang mga menor de edad na hindi tumatanggap ng suportang pinansyal sa paghingi ng legal na serbisyo at pag-refer sa kinuukulang ahensya sa usaping legal. RNT