Pagsunod sa MPHS mabisa vs airborne COVID – DOH

Pagsunod sa MPHS mabisa vs airborne COVID – DOH

January 29, 2022 @ 12:20 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Inulit ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng air flow at pagbabakuna bilang protective measures laban sa airborne COVID-19.

Ito ay kasabay naman ng paglilinaw ng kagawaran sa pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng airborne particles at droplets.

Paalala ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa publiko, ang COVID ay madaling kumalat sa pamamagitan ng hangin.

 “Kinakailangan nating sumunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face masks at physical distancing – hindi lamang ng ating mga sarili kundi pati ng mga taong nakapaligid sa atin,” ani Vergeire

Ang pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS) at ang “mask-hugas-iwas-airflow” ay inilagay upang paalalahanan ang mga Pilipino ng iba’t ibang health protocol, ayon pa kay Vergeire

Alinsunod dito, binigyang-diin ni  Vergeire na ang pagtiyak ng maayos na bentilasyon sa mga tahanan, lugar ng trabaho, at iba pang mga establisyimento ay lubos na inirerekomenda upang payagan ang sirkulasyon ng malinis na hangin sa loob ng bahay na tumutulong sa higit pang pagpigil sa pagkalat ng virus.

Sinabi ng DOH na ang tamang bentilasyon ay maaaring makamit sa pamamagitan ng palaging pananatiling bukas ng mga bintana o pinto para sa sariwang hangin na dumaloy o paglalagay ng electric fan sa harap ng bintana para sa magandang sirkulasyon ng hangin.

Kung masyadong mainit ang panahon para panatilihing bukas ang mga bintana, maaari itong buksan ng ilang minuto bawat oras.

Pinaalalahanan din ni Vergeire  ang publiko  na sakaling makikipagkita sa mga kaibigan, colleagues o kamag-anak ay siguruhin na nasa well-ventilated space.

Mas mainam din na ugaliin ang social distancing at pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras.

Kung maaari, limitahan ang pakikipag-ugnayan sa isang oras upang limitahan ang mga transmission at impeksyon.

Sa kasalukuyang pagpapalawak ng vaccination coverage at pagbubukas ngmarami pang sites sa pamamagitan ng programa ng kagawaran tulad ng “Resbakuna sa Botika at Medical Clinics” program, binigyan diin ni Vergeire ang kahalagahan ng bakuna bilang proteksyon sa COVID-19.

“Hinihikayat ang lahat na upang maging protektado, tayo ay maging bakunado. Magparehistro at agarang tumungo sa ating mga vaccination sites at makipag-ugnayan na sa ating mga LGUs para makapagpabakuna laban sa COVID-19,” sabi pa ni Vergeire.

Naghahanda na rin ang gobyerno para sa rollout ng pediatric vaccinations fpara sa edad lima hanggang 11 taong gulang sa Pebrero. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)