Pagsunod sa ‘no vax, no ride’ policy sisiguruhin; ‘mystery passengers’ itatalaga- DOTr

Pagsunod sa ‘no vax, no ride’ policy sisiguruhin; ‘mystery passengers’ itatalaga- DOTr

January 14, 2022 @ 5:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Magtatalaga ang Department of Transportation (DOTr) ng “mystery passengers” sa public utility vehicles (PUVs) upang siguruhin ang pagsunod ng public road transport sector sa “no vaccination, no ride” policy habang nakasailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3, na uumpisahan sa Lunes.

“Magde-deploy rin po tayo ng mystery passengers upang masigurado na masusunod itong ating polisiya kahit hindi nakauniporme ang ating mga enforcer,” pahayag ni DOTr Road Transport Sector Assistant Mark Steven Pastor nitong Biyernes.

Sa ilalim ng Department Order No. 2022-001 ng DOTr na inilabas nitong Martes, limitado lamang sa mga fully vaccinated ang makasasakay sa public transportation.

Sa pagtatalaga sa mystery passengers, inilahad ng Transportation official na manggagaling ang kanilang pamasahe sa pondo ng gobyerno.

“Bakit sila ay dapat ma-deploy? Upang masiguro natin na kahit walang nakauniporme na enforcer ay sumusunod po ang drivers dito sa ating polisiya at dito natin makikita kung paano natin mai-implement itong program on a daily basis without them knowing really that there’s an enforcer or government official, enforcer dito sa public utility vehicles,” ani Pastor. RNT/SA