Pagsuspinde sa excise tax gawin na- solon

Pagsuspinde sa excise tax gawin na- solon

March 14, 2022 @ 12:00 PM 4 months ago


MANILA, Philippines- Umapela si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat na agaran nang suspendihin ang fuel excise tax sa harap na din ng panibagong bigtime oil price hike.

Sa Marso 15 ay nasa P11 hanggang P12 ang inaasahang itataas pa sa presyo ng diesel, P6 hanggang P7 kada litro sa  gasoline at P10 sa kerosene.

Ito na ang ika-11 na beses na pagtaas ng presyo ng langis sa lokal na merkado.

Sinabi ni Cabatbat na kahit may fuel subsidy na inilaan ang pamahalaan para sa mga manggagawa ng agrikultura at transportasyon ay kulang pa rin umano ito para ibsan ang epekto ng fuel increase.

“Napakaliit po ng limandaang milyong piso na fuel discount para sa milyon milyong magsasaka, mangingisda at maghahayop. Hindi lahat ay maaabutan ng tulong. Isa pa, paano kung tumagal pa ang gulo sa Ukraine, o magkaroon na naman ng panibagong aberya na puwedeng makapagpabago ng presyo? Ang ayudang ito, ni hindi mapagkakasya ng dalawang buwan,” ani  Cabatbat.

Giit ni Cabatbat na ang pag-suspinde sa fuel excise tax ang napapanahong solusyon sa paglobo ng halaga ng petrolyo.

 “Maraming mangingisda ang hindi na pumapalaot dahil sa taas ng presyo ng gasolina. Apektado ang produksyon ng coconut farmers na gumagamit ng krudo para sa coco feed at coco fiber. Patong sa presyo yung taas ng krudo sa mga magsasakang kailangang ibiyahe ang produkto nila. Hanggang konsyumer, sapol. Apektado ang lahat,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng fuel subsidy program, 162,000 na kwalipikadong magsasaka at mangingisda o yung mga nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ang makakatanggap ng hindi lalampas sa P3,000 sa porma ng discount cards na ipapamigay sa regional offices ng Department of Agriculture.

Nauna nang tumanggi ang gobyerno na suspendihin ang fuel excise tax dahil maaari itong malugi ng higit P100 bilyon mula sa koleksyon nito. Gail Mendoza