Pagsusulong ng karapatan sa SCS, sinang-ayunan ng 89% ng mga Pinoy – sarbey

Pagsusulong ng karapatan sa SCS, sinang-ayunan ng 89% ng mga Pinoy – sarbey

July 13, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Mayorya ng mga Pilipino ang nagpahayag na kailangang igiit ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. ang  karapatan ng Pilipinas sa South China Sea sa gitna ng nagpapatuloy na ulat na “Chinese aggression” sa mga lugar sa loob ng Philippine waters at exclusive economic zones.

Isang survey ang isinagawa ng Pulse Asia mula Hunyo 24-27  na nagpapakita na 89%  ng mga mamamayang filipino sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagpahayag  na kailangan at dapat igiit ni Pangulong Marcos ang karapatan ng Pilipinas sa katubigan gaya ng nakasaad sa  2016 arbitral tribunal ruling.

Malakas naman ang suporta rito ng  lahat ng  socio-economic classes sa lahat ng rehiyon, may  95% mula sa  ABC, 88% class D at 91% mula sa  class E.

Siyam na porsiyento naman ang hindi makapagsabi kung  “agree o disagree,”  habang 1%  lamang ang disagree.

“It reflects the Filipino people’s desire for the new government to assert our rights based on our arbitral victory in 2016,” ayon kay Prof. Dindo Manhit, Stratbase-ADRI president.

Ang survey, kinomisyon (commissioned) ng  Stratbase-ADR Institute, ay may  sample size na 1,200 respondents na may +/-2.8 error margin.

Ang findings ay ipinalabas sa isinagawang Stratbase-ADRI Institute forum sa idinaos na ika-6 na taong anibersaryo ng  arbitral tribunal’s ruling.

Sa kabilang dako, binigyan naman ng ibang pangalan ng Pilipinas ang katubigan na sakop o nakapaloob sa teritoryo  nito sa  South China Sea  bilang West Philippine Sea.

Natuklasan din sa  survey na  90% ng mga  Filipino mula sa lahat ng socio-economic classes sa iba’t ibang bahagi o lahat ng rehiyon ang naghahangad na ang bagong administrasyon ay mag- invest  sa kakayahan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard  upang protektahan ang teritoryo at  marine resources ng bansa sa  EEZ.

Tanging  1%  ang nag-disagree habang  8%  naman ang  undecided.

Makikita rin na  84% ng mga  Filipino ang nagnanais na  bumuo ng alyansa ang administrasyong Marcos sa ibang bansa upang idepensa ang  Philippine territorial rights sa  West Philippine Sea. Kris Jose