Pagsusuot ng face mask sa airport, nilinaw nina Cayetano, Tulfo

Pagsusuot ng face mask sa airport, nilinaw nina Cayetano, Tulfo

November 17, 2022 @ 8:05 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kapwa madamdaming tinalakay nina Senador Pia Cayetano at Raffy Tulfo nitong Miyerkules, Nobyembre 16 ang pagsusuot ng face mask sa paliparan sa ginanap na deliberasyon ng panukalang badyet ng Department of Tourism (DoT) sa Senado.

Sa kanyang interpelasyon, iminungkahi ni Tulfo na pawang kakagaling lamang galing sa Europe, dapat makipag-koordinasyon ang DOT sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa pagsusuot ng face masks dahil “nakaka-turn off “ sa turista.

Aniya, kanyang personal pagmamasid, nakita niyang nakasuot ng face mask ang halos lahat ng airport personnel habang tumatanggap ng dumarating na pasahero.

Sinabi pa ni Tulfo na wala nang nagsusuot ng face mask sa maraming bahagi ng Europe at kahit sa US.

“Dun po sa face mask, nakaka-turn off po pagdating sa airport. Halos lahat ng mga kawani doon sa airport naka-facemask at pumunta po kayo sa mga iba’t ibang mga lugar sa Europe, sa Amerika, wala na pong nagpe-facemask doon,” ayon kay Tulfo kay Senador Nancy Binay na nag-isponsor ng badyet ng DOT.

Inihayag naman ni Binay na optional at boluntaryo lamang ang pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng anumang lugar base sa Executive Order Nos. 3 at 7 na iipnalabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Itong mga kababayan natin sa airport, I guess to protect themselves, eh tinutuloy pa rin po nila yung pagsuot ng face masks,” ani Binay.

Sa puntong ito, sinabi naman ni Cayetano, nakatakdang magdepensa ng 2023 budget ang Department of Health, kay Tulfo na hindi na kailangan pang magsuot ng face mask sa Southeast Asian countries tulad ng Singapore at Thailand.

Pero, ganun pa man, patuloy ang kanilang pagsusuot ng face mask upang protektahan ang sarili.

“But in the restaurants, in the airport, naka-mask sila and I think it is an Asian thing. We’re very careful,” ayon kay Cayetano na tumutukoy sa karapatang pantao kung magsusuot o hindi sila ng face mask.

“Choice nila un,” ayon kay Cayetano.

Idinagdag pa ni Cayetano na magiging kawalan ng pag-iingat naman sa DOT kung magkakaroon sila ng plano na ipatanggal ang face mask ng kanilang tauhan sa airport.

“I do not believe, having represented the health sector for many years, I don’t think that we should consider and I don’t think it is a burden of DOT to come up with a plan to have our people who are seen in the airport or in the tourist industry take off their masks,” ani Cayetano.

Nilinaw naman ni Tulfo na hindi niya ipiniilit na magtanggal ng face mask ang tauhan sa airport at sinabi nitong naiintindihan niya na boluntaryo ito.

“I’m not telling na yung mga taong nasa airport kailangang alisin na nila ang kanilang face masks because that’s their right,” ayon kay Tulfo.

Pero, iginiit ni Tulfo na sinasabi lamang niya na nakaka-turn off ang pagsusuot ng face mask kaya’t nararapat na mag-usap ang DOH at DOT sa aplikableng regulasyon upang hindi madismaya ang mga turista sa pagpunta sa Pilipinas.

Nilinaw pa niya na hindi responsibilidad ng DOT ang kanyang alalahanin pero umaasa siyang makikipag-ugnayan ito sa ibang kinauukulang ahensiya at talakayan ang bagay na ito.

Matapos ang ilang interpelasyon, inaprubahan din ang panukalang P3.7 bilyong pondo ng DOT kasama ang attaced agencies nito. Ernie Reyes