Pagsusuot ng face mask sa bahay, iminungkahi ni Año

Pagsusuot ng face mask sa bahay, iminungkahi ni Año

August 10, 2020 @ 11:19 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Iminungkahi ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagsusuot ng face mask kahit pa nasa loob lamang ng tahanan.

Sa isang panayam, sinabi ni Año na maaari ring magsuot ng face shield para protektahan ang sarili ng mga magkakasama sa iisang bahay dahil sa ang transmisyon ngayon ay nasa pamilya na.

“Isipin natin ngayon ang transmission ngayon ay buong pamilya na, pami-pamilya… rich or poor talagang buong pamilya… ang pinaka-importante diyan kung talagang di nila maiwasan, magsuot sila ng mask. Advisable din ‘yung face shield diyan,” lahad ni Año.

“Ang importante din ‘yung mga LGUs natin na kasama sa bahay, dapat maprotektahan sila. Dapat talaga magsuot sila ng mask, ‘yung mahihirap at kung pupuwede, lahat talaga magstay at home at kung may lalabas na isa, ito ‘yung dapat iwasan, bigyan ng distansya, lalo na ‘yung pumunta ng palengke o kaya galing sa trabaho, ‘yan ang dapat magsuot ng mask at itry niya na magkaroon ng distansya,” paliwanag pa nito.

Nag-ugat naman ang ideyang ito makaraang ihayag ni COVID-19 response Secretary Carlito Galvez Jr. ang transmisyon sa pamilya.

“Based doon sa data na nakita natin sa hospitals, ang contamination ngayon is not only by individuals, ngayon by families na. Nakita natin ‘yung vulnerability talaga sa workplace at saka ‘yung vulnerability ng mga informal communities na talagang hindi nag-o-observe ng minimum health standards,” lahad ni Galvez. RNT/FGDC


  •  
  •  
  •  

Loading...