Pagsusuot ng face mask sa Quiapo Church, opsyonal na

Pagsusuot ng face mask sa Quiapo Church, opsyonal na

November 5, 2022 @ 3:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng administrasyon ng Quiapo Church nitong Sabado na ini-adopt nito ang government policy sa opsiyonal na pagsusuot ng face masks kahit sa indoor settings.

Sinabi ni Rev. Fr. Douglas Badong, vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na inaabisuhan lamang ng Simbahan ang publiko na maging sensitibo sa mga tao sa paligid.

“Kung gusto mong mag-face mask, okay lang; kung ayaw mo naman, okay lang din. Pero please be considerate kung sakaling meron kang katabi na ayaw nang walang face mask, so kailangan mo lang maging sensitive din,” aniya.

Sinabihan din ang mga pari at iba pang church personnel na hindi na mandatoryo ang pagsusuot ng face masks.

“Kapag nasa altar, nagtatanggal ako ng face mask dahil malayo naman na sa tao. Pero ‘pag nagpapa-komunyon o lumalapit sa tao, nagsusuot ulit ako ng face mask,” pahayag ni Badong.

Samantala, inilahad ng pamunuan ng malalaking mall sa bansa na sinimulan na nilang payagan ang boluntaryong pagsusuot ng face mask.

Inihayag ng SM Supermalls, Ayala Malls at Robinsons Malls na ipinagbigay-alam na nila sa kanilang merchants at service providers ang tungkol sa bagong polisiya.

Bagama’t opsiyonal na ang pagsusuot ng face mask, sinabi ng mall administrators sna hinihikayat pa rin nila ang kanilang mga empleyado at kustomer na patuloy na magsuot ng face masks at sumunod sa minimum health protocols. RNT/SA