Pagtaas ng Badyet ng SUCs kada taon, tiniyak ni Angara

Pagtaas ng Badyet ng SUCs kada taon, tiniyak ni Angara

February 19, 2023 @ 3:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sonny Angara na patuloy na maglalaan ang Senado ng sapat na badyet sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) upang pondohan ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa pagbibigay ng de-kalidad ng edukasyon sa mag-aaral sa kolehiyo.

Sa pahayag, sinabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, na tumanggap ng pagtaas sa badyet ang 117 SUCs sa nakalipas na tatlong taon.

Aniya, tumanggap ang SUCs ng P1107 bilyon, o P13.7 bilyong pagtaas kumpara sa P93.3 bilyong nitong 2022 na orihinal na isinumite ng Palasyo para sa 2023 National Expenditure Program.

Sinabi ni Angara na malaking bahagi ng pagtaas ng badyet ng SUCs ang mapupunta sa research, innovation at future thinking at strategic foresight programs sa halagang P5 milyon kada pamantasan.

Gagamitin din ang pagtaas sa carrying capacities ng SUCs na may kursong medisina at nursing at iba pang allied health programs.

ā€œTogether with Finance committee senior vice chairperson Pia Cayetano, we worked for these increases in line with our common advocacies of improving the state of education and producing more doctors, nurses and other health care professionals in the Philippines,ā€ ayon kay Angara.

Sa panahon ng pagiging chairman ni Angara ng finance committee, tumaas ang taunang badyet ng SUCs mula P73.7 bilyon nitong 2020 tungo sa P85.9 bilyon sa 2021 at P104.17 bilyon nitong 2022.

Suportado din ng 2023 GAA ang implementasyon ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) law.

Sa ilalim ng badyet ng Commission on Higher Education (CHEd), may kabuuang P27.1 billion para sa UAQTE, kabilang ang P1.6 billion sa Tulong Dunong Program.

Para sa SUCs, umabot sa P18.8 biyon ang inilaan sa UAQTE habang P3.4 bilyon naman sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Inihayag din ni Angara na dulot ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na inawtor nito, libre na ang lahat ng tuition fee sa 112 SUCs, 78 LUCs at lahat ng government-run technical-vocational schools sa buong bansa.

Naglaan din ng halagang P1.5 bilyon para sa Student Financial Assistance Programs of the CHEd, na ibinibigay sa mahihirapa pero deserving students.

Umabot naman sa P200 million ang inilaan para sa Private Education Student Financial Assistance program para sa mahihirap ngunit deserving students nan aka-enrol sa private higher educational institutions.

Libreng edukasyon mula kindergarten hanggang college, ang pangunahing adbokasiya ni Angara.

Awtor ang kanyang amang si dating Senate President Edgardo Angara ng Free High School Act upang matiyak na makapagtapos ang bawat Filipino sa sekondarya kahit ano ang kalagayang pinansiyal ng bawat pamilya.

Kasalukuyang komisyuner si Angara ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagrerebyu sa ating education system.

Pagkalipas ng tatlong taon, maglalabas ang EDCOM ng solusyon sa problema na bumabalot sa education sector kabilang ang learning crisis sa estudyante partikular sa elementarya. Ernie Reyes