Pagtaas ng COVID-19 cases, posible sa BF.7

Pagtaas ng COVID-19 cases, posible sa BF.7

December 26, 2022 @ 12:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na may posibilidad na tumaas ang kaso ng COVID-19 dahil sa bagong natukoy na Omicron subvariant BF.7 sa bansa at ang pagtitipon-tipon ngayong holiday season.

Ayon kay PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano, ito ay dahil walang masyadong paghihigpit o restriction ngayong Pasko.

Umaasa si De Grano na hindi masyadong makaapekto ang BF.7 sa bansa.

Noong Biyernes, apat na kaso ng Omicron subvariant BF. 7 sa Pilipinas ang iniulat ng Department of Healt (DOH).

Binigyang-diin ng Kagawaran na ang kasalukuyang ebidensya ay hindi nagmumungkahi ng anumang pagkakaiba sa kalubhaan o klinikal na pagpapakita sa pagitan ng BF.7 at ang orihinal na variant ng Omicron.

Gayunpaman, sinabi ni De Grano na ang subvariant na ito ay maaaring mas madaling makahawa at maaaring magdulot ng matinding impeksyon.

Ayon kay De Grano, mas mabagsik ang BF.7 at mabilis maisalin kahit na mga bakunado na laban sa COVID-19 ay maari pa ring mahawa.

Kaya naman pinaalalahanan ng PHAPI ang publiko na sundin ang minimum public standards gaya nang pagsusuot ng face masks.

Hinikayat din ang mga vulnerable population na iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar at iwasan ang pagtitipon kapag mayroon nang sintomas.

Ayon sa DOH, mayroong 666 bagong kaso ng COVID-19 na naitala noong Linggo, araw ng Pasko at pinakamababang naitala sa isang araw sa loob ng nagdaang limang araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden