Pagtaas ng COVID cases ramdam na sa ilang NCR hospitals

Pagtaas ng COVID cases ramdam na sa ilang NCR hospitals

December 31, 2021 @ 1:24 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Nararamdaman na ng dalawang ospital sa National Capital Region (NCR) ang pagtaas sa coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa sa panahon ng kapaskuhan kasabay ng banta ng Omicron variant.

Sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila, higit pa sa doble ang itinaas ng mga naiulat na kaso mula sa 30 noong Disyembre 25, ayon sa tagapagsalita nito na si Dr. Jonas del Rosario.

“Tumaas po ang bilang ng mga COVID patients namin. Masaya kami nung talagang pababa nang pababa tapos na reach nga namin yung pinakamababang bilang nung COVID patients namin nung December 25, 30 patients na lang,” pahayag ni Del Rosario sa dzBB.

“Pero pagkatapos ng December 25, unti-unting tumataas ang aming mga bilang, almost every day mga six to eight admissions,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, nasa 77 COVID-19 patients ang nasa PGH, base kay Del Rosario, at sinabing maaaring umpisahan na nila ang muling paggamit sa non-COVID wards bilang COVID wards.

“Dahil ngayon po na parang bume-buwelta na naman ‘yung COVID, parang non-COVID ward ico-convert na naman sa COVID,” aniya.

“Kaya naga-adjust na po kami at ganon din po ‘yung mga tao namin na nire-assign na namin sa non-COVID operations ay kailangan bawiin at ilagay ulit sa COVID ward,” patuloy ni Del Rosario.

Samantala, sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center naman sa Tondo, Maynila, umakyat sa 23 ang kaso ng COVID-19 matapos ang Pasko, na noong nakaraang dalawang linggo ay walang kaso.

“Noong tumungtong po ang Kapaskuhan, actually [nung] 28 po, nagkaroon na po kami ng paisa-isa at sa ngayon nasa 23 na po as of ngayong umaga po ang aming pasyenteng may COVID po,” sabi ni Dr. Ted Martin, OIC ng ospital, sa dzBB.

Wala namang pasyente sa intensive care unit, ani Martin, dahil mild to moderate cases lamang ang naiulat.

Samantala 19 pasyente- kabilang ang ilang health workers- ang may pending test results.

“Pati yung aming mga health workers nag-mass swabbing na kami sa ospital, lahat po ng section namin. Kagabi po lahat ng duty ng antigen na rin po kami at nag-swab ngayong umagang ito at iniintay na rin namin yung resulta po,” sabi niya.

Nababahala naman si Martin na maaaring sanhi ng pagtaas ng kaso ang Omicron.

“Sa aming tantya, sa palagay mukhang sa bilis ng contagiousness ng paglipat ng sakit na ito tingin po namin baka, baka ito po ay Omicron na,” pahayag niya. RNT/SA