Pagtaas ng kaso ng COVID-19 ‘di maiuugnay sa Omicron BA.4 at BA.2.12.1

Pagtaas ng kaso ng COVID-19 ‘di maiuugnay sa Omicron BA.4 at BA.2.12.1

May 25, 2022 @ 1:18 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Health Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman  na ang pagtaas ng kaso sa National Capital Region at ilang bahagi sa Luzon ay hindi maaaring maiugnay lamang sa BA.4  at BA.2.12.1 subvariant ng Omicron.

“‘Yung nakita nating pagtaas ng kaso ay hindi lamang nitong Mayo. Mula naman tayo ay nagsimulang magbukas ng ating borders, nakakakita tayo ng paonti-onting pagtaas ng kaso,” sabi ni De Guzman.

Aniya mahirap sabihin na ang pagtaas ng kaso ay dahil lamang sa pagpasok ng BA.4 o ibang emerging variants.

Binigyan-diin niya na ang pagtaas ng kaso ay humahantong din sa pagtaas ng mga admission sa ospital, lalo na sa mga malubha at kritikal na mga kaso lalo na mula Nobyembre 2021 hanggang Mayo 2022.

Karamihan sa mga severe at critical COVID-19 admissions ay hindi bakunado.

Sa 11,702 na severe at critical discharged cases, 69% o 8,041 ang partially o hindi nabakunahan habang 31% o 3,661 ang ganap na nabakunahan.

Inulit ni De Guzman na ligtas at nakakapagbigay ng proteksyon ang pagpapabakuna.

Aniya bagaman mababa na ang mga naitatala nating kaso ng COVID-19 ngunit hindi pa rin nawawala ang virus. Jocelyn Tabangcura-Domenden