Pagtaas ng pasahe sa LRT 1, “unfair”-Bayan

Pagtaas ng pasahe sa LRT 1, “unfair”-Bayan

July 17, 2018 @ 12:17 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tinawag na ‘unfair’ para sa mga commuters ni Bayan Secretary General Renato Reyes ang planong pagpatong ng P5 sa pasahe ng Light Rail Transit 1 (LRT-1) na planong gamitin para sa extension project, kanina (July 17).

Sinabi ito ni Reyes matapos ianunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), operator ng LRT-1, na ang pagtaas pasahe ay para sa konstruksyon ng stasyon sa  Sucat, Las Piñas at Bacoor.

“Napaka-unfair po nitong arrangement na ito. Supposedly, ito yung malaking kumpanya na marami daw kapital na mag-aahon sa kalagayan ng LRT, pero ang kinakalabasan eh tayo tayo rin pala ho ang sasalo ng risk,” sabi ni Reyes sa isang panayam.

Kinuwestyon ni Reyes kung bakit ibinibigay ng LRT sa mga commuters ang pasanin ng bayarin gayong nangako ang LRMC na sila ay mag-i-invest para sa naturang proyekto.

“Bakit ho commuters ang isasangkalan para matuloy ang proyekto samantalang nung nag-bid sila sa proyekto na ‘yan, sila ang nangako na mamumuhunan, sa kanilang bulsa manggagaling yung extension?” sabi ni Reyes.

Sinabi niya rin na itinaas ng Bayan ang isyu tungkol sa kontrata ng gobyerno sa LRMC sa Korte Suprema noong 2015 ngunit walang isinagawang resolusyon mula noong ito’y idinulog.

“Hanggang ngayon ay wala pa ring resolusyon yung matagal na naming kwestyon sa kontrata ng LRMC,” sabi niya. (Remate News Team)