Pagtaas ng singil sa Philhealth premium, ipinatitigil kay PBBM

Pagtaas ng singil sa Philhealth premium, ipinatitigil kay PBBM

January 30, 2023 @ 10:10 AM 2 months ago


MANILA, Philipppines- Limang mambabatas ang naghain ng panukala sa Kamara na humihiling na ipatigil ni Pangulong Bongbong Marcos ang nakatakdang pagtaas ng premiums ng mga direct contributors Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sa inihaing House Bill No 6772 ni House Speaker Martin Romualdez iginiit nito na hindi pa tuluyang nakakaahon ang bansa sa dagok dulot ng pandemic, patunay na dito ang ilang negosyo na nagsara at mga Pinoy na nawalan ng trabaho kaya naman malaking pahirap pa kung itataas ang singil sa Philhealth contributions.

“The suspension of the adjustment would remove an added financial burden on millions of government and private sector workers, professionals, self-employed and other PhilHealth contributors who are still reeling from the pandemic,” paliwanag ni Romualdez kung saan ikinatwiran nito na ang mga daily wage earners ang siyang lubos na apektado sa dagdag singil.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act ay tataas ng 4 percent hanggang 4.5 percent ang minimum monthly premium o mula P400 ay magiging P450 habang pagdating ng 2025 ay tataas umuli ito ng karagdagang 5%.

Bukod kay Romualdez kasama din sa humihiling na suspindihin ang Philhealth contributions increase ay sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.

Iginiit ng mga mambabatas na may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa sa ilalim na rin ng magiging rekomendasuon ng PhilHealth board na magsuspindi sa pagtataas ng premium rates kung mayroong national emergencies o kalamidad o kung mayroong public interes.

“While PhilHealth only aims to fulfill and remain faithful to its mandate, imposing a higher premium on Filipinos in these current conditions where most of them are grappling with the pandemic will definitely enforce a new round of financial burden to its members,” nakasaad pa sa panukala. Gail Mendoza