Pagtaas sa kaso ng COVID ‘di nakababahala – DOH

Pagtaas sa kaso ng COVID ‘di nakababahala – DOH

November 17, 2022 @ 5:37 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang dapat ikaalarma sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong linggo ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na lahat ng lugar ay nananatiling nasa low risk case classification habang ang hospital admission rate ay patuloy na napapamahalaan.

Ang 1,296 average daily infections na naitala sa bansa mula Nobyembre 7 hanggang 13 ay 43 % na mas mataas kumpara sa nagdaang linggo.

Nananatili namang maingat si Vergeire sa pagsasabing naging endemic na ang COVID-19.

“For us to declare it’s already endemic, we need the help of our experts and WHO (World Health Organization) to provide us with this kind of expertise para sabihin na ‘Oh, endemic na tayo ngayon,'” aniya.

Sinabi ni Vergeire na para maideklara na endemic na ang COVID-19 ay kailangan ang ating mga eksperto at WHO (World Health Organization) para mabigyan ang bansa ng kaalaman para sabihin na endemic na.

Kailangan din aniyang mababa ang severe at critical infections gayundin ang mga namamatay dahil sa sakit.

Ayon sa pinakahuling ulat ng DOH, nasa 73 milyong Pilipino na ang ganap nang nabakunahan pero nasa 20.8 milyon pa lamang ang nakatanggap ng unang booster. Jocelyn Tabangcura-Domenden