PAGTAKBO NI PACQUIAO TULOY PA BA KUNG MATALO KAY SPENCE? 

PAGTAKBO NI PACQUIAO TULOY PA BA KUNG MATALO KAY SPENCE? 

July 14, 2021 @ 2:08 PM 1 year ago


ANG malaking tanong ngayon na talagang makaaapekto sa pagtakbo ni Senator Manny Pacquiao sa mas mataas na posisyon ay kung tutuloy pa ba ito sakaling matalo ang senador sa nalalapit niyang laban kay Errol Spence?

Ang nanalapit na boxing fight ni Pacquiao sa August 21 ang maaaring maghudyat kung malakas pa ba ito sa tao kahit pa hindi palarin ang senador sa kalaban nitong hindi pa natatalo ninoman.

Kung sakaling palarin naman ang ating tanyag na boksingero, may mga mag-iisip namang baka talagang sa larangan lang ng boxing ang galing ni Pacquiao na hindi nito naipamamalas sa posisyong hawak nito ngayon.

Hindi naman lingid sa atin ang kakaibang galing ni Pacquiao sa boxing na noon pa ma’y nagbigay na ng karangalan sa bansa.

Dahil din dito’y nakilala ang pangalan ng senador na nagbukas ng oportunidad upang makapasok ito sa pulitika.

Dahil nga sa boxing rin umingay ang pangalan ni Pacquiao, malaking parte ang paparating na laban nito sa tila pahiwatig niyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.

May amor pa nga ba sa tao si Pacquiao kung hindi ito palarin laban kay Spence?

Naging magandang stratehiya nga ba na lumaban pa ito sa boxing bago ang 2022 election?

Ito ang mga katanungang maaaring tinatanong na rin ng kampo ni Pacquiao sa kanilang mga sarili dahil para bang hindi masyadong naplano nang maayos ang iba’t ibang aktibidad na dapat ay siguradong makapagpapaganda sa imahe nito.

Sa takbo kasi ng mga pangyayari ngayon, para bang ang mga kilos ng senador ay mas nakapagdudulot ng hindi magandang epekto sa imahe nito kesa magpaganda – bagay na dapat ay pinagtutuunan ng pansin ng kampo nito.

Sakali mang ngayon magaganap ang eleksyon, tila malabong makuha ni Pacquiao ang posisyong nais nito dahil talagang mukhang pilit at gigil na gigil ang mga stratehiyang ipinakikita nito sa publiko.