Pagtalaga kay Centino sa AFP, legal – solon

Pagtalaga kay Centino sa AFP, legal – solon

January 13, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naaayon sa batas at legal ang naging pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Gen. Andres Centino bilang Armed Forces of the Philippines(AFP) Chief of Staff kapalit ni Lt. Gen. Bartolome Bacarro na nakapagsilbi lamang ng 5 buwan, ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Ayon kay Rodriguez, bagama’t may ilang nabigla sa pagpapalit ng Chief of Staff ay hindi naman ito makukuwestiyon dahil nakaangkla ito sa Republic Act 11709.

Aniya, alinsunud sa R.A. 11709 ay pinapayagan na maitalaga ulit sa loob ng 3 taon ang isang opisyal sa kabila ng pagreretiro nito, sa kaso ni Centino ay pasok na ito sa mandatory military retirement age na 56 sa darating na Pebrero 2023.

“The fixed 3-year term of high-ranking military officials is meant to terminate the revolving door policy in the organization. Before this law, the AFP chief and the other high officials will be terminated upon reaching the age of 56. That’s why it has become a revolving policy. Now, no more,” paliwanag ni Rodriguez.

Matatandaan na si dating Defense Chief Jose Faustino Jr. ay nagbitiw sa pwesto matapos na isekreto umano sa kanya ang pagtatalaga kay Centino at nalaman lamang niya sa pamamagitan ng social media.

Kasunod ng pag-exit ni Faustino ay pito pang defense senior officials ang nagbitiw din sa pwesto.

Sinabi ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar na normal lang ang pagpasok at paglabas ng mga opisyal sa loob ng AFP subalit hindi ito nakakaapekto sa chain of command.

“We know that officers come and go and therefore, we have to follow the change of command always to make sure the organization is united and that we are able to perform our mandate,” giit pa ni Aguilar. Gail Mendoza