Pagtalaga sa Comelec commissioners, dinepensahan ni Duterte

Pagtalaga sa Comelec commissioners, dinepensahan ni Duterte

March 13, 2022 @ 4:44 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Todo-depensa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bagong appointees sa Commission on Elections (Comelec) sa gitna ng mga tanong ukol sa transparency sa appointment process.

Inanunsyo ng tanggapan ni Pangulong Duterte, nito lamang Marso 8 ang pagkakatalaga kay Saidamen Balt Pangarungan bilang chairperson ng poll body, at maging kina George Garcia at Aimee Torrefranca-Neri bilang mga komisyonado.

“He’s a Maranao. He’s good. He’s a lawyer, at saka marami na itong dinaanan na sa gobyerno,”‘ ang sinabi ng Pangulo kay Pangarungan sa isang panayam kasama si Pastor Apollo Quiboloy.

Si Pangarungan ay pinuno ng National Commission on Muslim Filipinos bago pa siya itinalaga sa Comelec.

Si Garcia, dating election lawyer na may mga nagdaang kliyente sa katauhan nina presidential candidates Isko Moreno at Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging ng ilang mambabatas.

“Ito namang si Garcia, would you believe it? He’s a neutral choice para sa akin kasi ito ‘yung… As a matter of fact, he has always been the lawyer of the late [former Speaker Prospero] Boy Nograles ito si Garcia,” ani Pangulong Duterte.

“Ever since iyan ang sa kabila eh. Kami ni Boy Nograles over the years, siya ‘yung nasa kabila. Pero siya ‘yung in-appoint ko. Wala akong sinabihan. Sinabi ko lang dito sa isip ko para wala kayong masabi,” dagdag na pahayag nito.

Habang si Torrefranca-Neri naman ay nagkaroon ng multiple positions sa Duterte administration, mula sa Department of Justice hanggang sa Department of Social Welfare and Development.

Nauna rito, hiniling kasi ng poll watchdog Kontra Daya sa Malakanyang na ilabas ang shortlist ng mga nomiando sa Comelec posts, nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa kakulangan ng partisipasyon ng publiko sa selection process.

Samantala, ipinangako naman ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagan ang terorismo at karahasan sa nalalapit na halalan sa Mayo 9.

“I cannot guarantee you that it will be peaceful. There will be one or two or three,” ayon sa Chief Executive.

“And even dito sa Mindanao. I mean, even the warring factions diyan sa Cotabato. Sinabi ko talaga sa kanila I will not allow terrorism sa election. I will not allow violence. Kampanya lang kayo,” dagdag na pahayag ng Pangulo. Kris Jose