Pagtalakay ng Pinas, Russia sa terminasyon ng P12.7B chopper deal, umarangkada

Pagtalakay ng Pinas, Russia sa terminasyon ng P12.7B chopper deal, umarangkada

October 20, 2022 @ 7:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinimulan na ng Pilipinas at Russia ang pagtalakay sa mga detalye ukol sa terminasyon ng P12.7-billion helicopter deal, ayon sa Department of National Defense (DND) nitong Miyerkules.

Sinabi ni DND spokesperson Arsenio Andolong na nagpadala na ang Pilipinas ng notice  para sa terminasyon ng kasunduan, subalit hindi pa naaayos ang usapin.

“Nagsimula na yung exchange of letters saka communication between the DND saka Sovtechnoexport, kaya lang hindi ko alam pa kung ano ang tinatakbo ng usapan kasi matagal ‘yung usapan,” aniya.

“…Naghihintay na lang ng mga reply ng isa’t isa kaya yun ang status ngayon,” dagdag niya.

Inihayag ni Andolong na madedetermina sa diskusyon ang magiging “shape” ng terminasyon.

Inanunsyo ng DND nitong Agosto ang kanselasyon sa procurement ng 16 Mi-17 helicopters na nagkakahalaga ng P12.797 bilyon mula sa Moscow dahil sa “changes in priorities necessitated by global political developments.”

Inatake ng Russia ang Ukraine noong Pebrero, sa patuloy na sagupaan na nagbunga ng economic sanctions ng Western powers sa una.

Dahil nakapagbayad na ang Pilipinas ng P1.9-billion down payment para sa kontrata, sinabi ni Andolong na ihihirit ng pamahalaan ang refund.

Sinabi ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng maharap sa sanctions ang Pilipinas mula sa United States dahil sa deal.

Nakatakdang magbigay ang $100 million na foreign military financing ang US sa Pilipinas kasunod ng kanselasyon ng pamahalaan ng chopper sa Russia.

Pinasalamatan naman ni US Ambassador MaryKay Loss Carlson ang Pilipinas para sa desisyon.

“We’re very grateful to the government of the Philippines for making the decision, especially in the wake of Russia’s illegal attack of the unprovoked war in Ukraine, to cancel the helicopter deal,” ani Carlson.

Nauna nang sinabi ni Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na posibleng palitan ang kinanselang order ng helicopters ng mga armas. Inilahad pa niya na sinisilip ng Pilipinas ang bumili na lamang ng heavy-lift Chinook helicopters mula sa US.

Sinabi ng Russia’s envoy to Manila nitong Miyerkules na dapat panindigan ng Philippine government ang military helicopter contract.

Ikinalungkot naman ni Ambassador Marat Pavlov ang desisyon ng gobyerno at sinabing hindi nakatanggap ang Russia ng formal notice of cancellation.

“We are ready to fulfill all our obligations as a reliable partner of the Philippine side in the field of technical military cooperation and we consider that it will also be done by the Philippines,” pahayag ni Pavlov. RNT/SA