Pagtalakay sa RCEP, isinantabi ni Zubiri

Pagtalakay sa RCEP, isinantabi ni Zubiri

November 10, 2022 @ 11:50 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinantabi muna ng Senado ang pagtalakay sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), isang free-trade agreement sa miyembro Asia-Pacific dahil walang pormal na kalatas ang Palasyo hinggil sa ratipikasyon ng tratado, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa deliberasyon ng Senado sa 2023 national budget sa pamumuno ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, sinabi ni Zubiri na walang formal notice sa partikular na tratado ang ibinigay ng Palasyo sa Senado.

“Apparently, there have been no formal letters or endorsement of RCEP with this admin except that the President was the one who asked me to pass it,” ayon kay Zubiri sa ginanap na debate sa badyet ng Department of Finance.

“We can’t act on anything that’s not on our table,” giit ni Zubiri.

Sinabi ni Angara na nasa poder ng executive branch ang bola upang masimulan ang deliberasyon sa tratado.

Iginiit naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat iendors ng Palasyo ang RCEP treaty para ratipikahan ng Senado.

Ayon naman kay Angara, nangako si Finance Secretary Benjamin Diokno na tatalakayin nito ang isyu sa pulong ng Gabinete.

Isang uri ng tratado ang RCEP upang madaling magluwas at umangkat ng produkto at serbisyo ang miyembrong nasyon sa pamamagitan ng modern, kumprehensibo at mutually beneficial economic partnership.

Kabilang sa miyembro nito ang 10 bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at China, Japan, Australia, South Korea, at New Zealand.

Noong 18th Congress, hindi nakapasa ang RCEP sa committee level dahil may ilang alalahanin sa local industries na maaaring madehado.

Kailangan ng 2/3 boto ng Senado upang ratipikahan ang naturang tratado. Ernie Reyes