Tatanggalin na ng Netflix ang personal computer-limited user review feature nito sa website at tinuturo nitong dahilan ay ang “declining usage over time”.
Ito ay naiulat noong Huwebes (July 5) at sinabing sa katapusan ng buwan ng Hulyo, hindi na maaring magsulat ng feedback ang mga user sa mga pelikula at TV shows na pinapanuod nila.
“We have notified members who have used the feature recently,” sabi ni Netflix spokesperson Smita Saran sa isang panayam.
Sa kalagitnaan din ng August, ang mga user ng Netflix ay hindi na rin makababasa ng mga nakaraang reviews na nakapost dahil ito ay tuluyan na ring buburahin sa site.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang streaming service ay magbabago ng feedback feature nito, ayon pa sa ulat.
Matatandaan rin na mayroon ding feature dati ang Netflix na kung saan maaring mag-rate ng mga pelikula at TV shows sa pamamagitan lamang ng pagpili sa isa hanggang limang star na kalaunan ay pinalitan nila ng thumbs-up-thumbs-down system.
Hindi naman nagustuhan ng ilang mga user ang gagawing hakbang ng Netflix at sinabi pang ang totoong rason ng pagtanggal ng feature na ito ay upang pigilan ang mga user na magbigay ng mga negatibong komento.
Sabi ng isang user, “This is [absolutely] ridiculous. Not sure what [will they] achieve with this but it is definitely not going to stop people from saying negative thing[s] about their shows.” (Remate News Team)