Pagtanggap ng 1M vaccinee sa 2nd COVID-19 dose nabalam sa virus

Pagtanggap ng 1M vaccinee sa 2nd COVID-19 dose nabalam sa virus

June 2, 2021 @ 1:19 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Health Technical Advisory Group (DOH-TAG) na karamihan sa mga tatanggap sana ng ikalawang dose ng bakuna ay nagkasakit kaya nabalam ang pagtuturok sa mga ito.

Ayon kay Dr Anna Ong Lim, kasapi ng DOH-TAG, bigong mabakunahan ang nasa isang milyong vaccinee para sa ikalawang dosage dahil nadamay ang mga ito sa COVID-19 surge na nangyari noong Marso at Abril.

Kaya naman ipinaalala ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa mga naturukan ng unang dose na tinamaan ng COVID-19 na agad ding magpabakuna para sa ikalawang dose kapag gumaling na ang mga ito.

Paglilinaw niya, kapag ang isang indibidwal na nakakuha ng unang dose ay nagka-COVID, kailangan nitong magpagaling at bumalik sa vaccination site para sa kumpletong bakuna o second dose.

Aniya hindi na kailangang ulitin pa ang pagtuturok para sa first dose.

Kailangan lamang aniya nila na bumalik sa vaccination sites para sa 2nd dose at hindi na uulitin ang unang dose. Jocelyn Tabangcura-Domenden