Pagtanggap ni Zamora ng 4 COVID-19 vaccine dose, ‘di pasok sa mix and match – Malakanyang

Pagtanggap ni Zamora ng 4 COVID-19 vaccine dose, ‘di pasok sa mix and match – Malakanyang

July 13, 2021 @ 11:49 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi kinukunsidera ng Malakanyang na kaso ng mix and match ang nangyaring pagbabakuna kay San Juan Congressman Ronnie Zamora.

Ito ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque kasunod ng pag-amin ng Kongresista na tig- dalawang doses ng Sinopharm at Pfizer ang itinurok sa kanya.

Aniya, hindi pa naman pinahihintulutan ang mixing and matching ng COVID vaccines sa Pilipinas o kahit sa alinmang bansa.

Sinabi pa ni Sec. Roque na hindi rin naman maikukunsidera na mix and match ang pagbabakuna kay Congressman Zamora gayung ang pagturok dito ng unang dalawang dose ay mula sa iisang brand lamang.

Ang ikalawang batch ng dose ay ganundin naman sabi ni Roque gamit ang iba namang brand.

“Hindi pa po, pinag-aaralan pa po iyan. And I don’t think this qualifies as mixing kasi he had two doses of one and then two doses later,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na kinailangang gawin ito sa kanyang ama dahil na rin sa payo ng duktor nito.

“Ang masasabi ko lang sa inyo, iyong naging vaccination ni Congressman Ronnie Zamora ay upon doctor’s orders. Siya po kasi ay na-quadruple bypass 16 years ago, na-kidney transplant 6 years ago. He is immunocompromised. He is a person with comorbidity and he is 76 years old. So ang doktor ho niya ang nagbigay noong orders po diyan at iyon po ang direksiyon ng kaniyang physician po,” ani Zamora. Kris Jose