Pagtatag ng DDR malaki ang tsyansa sa PBBM admin

Pagtatag ng DDR malaki ang tsyansa sa PBBM admin

August 2, 2022 @ 12:18 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na maaaring malikha ang isang ahensiyang pang-kalamidad sa ilalim ng administrasyong Marcos at nangako siyang isusulong niya ang panukalang ilagay ito sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo.

Binalangkas ni Salceda ang unang bersiyon ng ‘Disaster Risk Reduction (DRR) bill’ sa ‘17th Congress.’ Sa panukala niya, magiging isang malaking ahensiya ang Department of Disaster Resilience (DDR). Ilang beses niya itong inihain sa Kamara na dalawang beses naman itong inaprubahan, ngunit hindi pumasa sa Senado kahit ilang beses din itong idineklarang ‘priority’ ni Pangulong Duterte.

Naging usap-usapan na naman ang DRR matapos padapain ng malakas na lindol ang Abra na matindi ring nanalasa sa ilang probinsiya sa hilagang Luzon. Sapat na dahilan ito upang magkaroon nga ng DDR, ayon kay Pangulong Marcos.

Sa isang pahayag naman, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na isinusulong ng mga senador ang paglikha ng higit na maliit na DDR at ilalagay sa ilalim ng ‘Office of the President’ basta mabisa ito makatutugon sa mga kalamidad.

Kinatigan ni Salceda ang panukalang higit na maliit na ahensiya ni Zubiri, at sinabi niyang isusulong miya ito sa mga kasamahan niya sa Kamara, para “magkatotoo.” Nauna na niyang hinamon ang Senado na talakayin ang mga nauna niyang panukala. Naniniwala siyang magkakatotoo ito sa pamumuno ni Zubiri.

Sinabi ni Salceda na okay lang ang higit na maliit na DDR basta taglay nito ang mahahalagang katangiang nakasaad sa dati niyang panukala., lalo na ang kusang pagtugon sa hamon ng mga kalamidad; hindi na kailangang ‘ad hoc’ ito gaya ng ugnayang OCD-NDRRMC.

“Isa pang mahalagang considerasyon ang lapit nito sa Pangulo. Maganda nga kung ito’y nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo at panukala ko rin na pamunuan ito ng isang Presidential Adviser na may ‘cabinet rank’ para madali siyang makipagtulungan sa mga kasamahan niya sa gabinete” ayon kay Salceda.

Kritikal din aniya ang pagbuwag sa NDRRMC dahil sa halip na konseho ay dapat institusyunal ang pangangasiwa sa mga kalamidad at tiyak ang responsibilidad ng mamumuno. Dapat din umano na may malinaw na kapangyarihan sa paggamit ng NDRRM Fund.

“Napakahalaga rin ang kakayahan ng mamumuno nito na pakilusin ang mga ahensiyang ‘civil defense’ gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), AFP Engineering Brigade at iba pa, at dapat ding may kakayahan siyang makipagtulungan sa PAGASA, PHIVOLCS, MGB, at iba panga mga ahensiyang tulad nila. Dapat klaro ang mga ito,” dagdag na paliwanag ng kongresista.

“Natutuwa ako na habang pinauusapan natin ang gastos, mayroon nang pagkakaisa sa prinsipyo. Sadyang mahalaga ang ‘cabinet rank’ ng mamumuno nito para alam niya ang ‘risk profile’ ng mga ‘national priority projects,’” puna niya.

“Katatapos naming ihain ang ‘3rd reading copy’ ng panukala ko ngunit handa kaming amyendahan kapag tinalakay na sa Kamara upang salaminin nito ang posisyon ni Pangulong BBM” dagdag niya.

Kilala si Salceda bilang eksperto sa pangangasiwa sa hamon ng mga kalamidad na napatunayan na niya nang gobernador siya ng Albay. Marami sa kanyang mga estratehiya ang ginaya na ng mga LGU. Tumanggap siya ng maraming pambansa at pandaigdigang mga parangal at naging tagapagsalita pa siya ng United Nations International Strategy for Disaster Reduction. RNT