Pagtatag ng Department of Water, importante-PBBM

Pagtatag ng Department of Water, importante-PBBM

October 18, 2022 @ 7:54 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa mga matataas na opisyal ng probinsya ng Isabela para pag-usapan ang mga paraan para masolusyunan ang isyu kaugnay ng pinagkukunang tubig sa lugar.

Sa nasabing pulong, lumutang ang pagmungkahi ni Marcos sa paglikha ng Department of Water Resources (DWR) na siyang mangangasiwa at magpapaunlad ng pinagkukunang tubig ng bansa, ayon sa Malakanyang.

“President Marcos noted the immediate need to establish a Department of Water Resources to set policies and implement structural reforms on water management that will address many issues particularly on the ‘critical’ fresh water supply in the country,” ayon sa Malacañang.

Matatandaan na sa unang State of the Nation Address noong Hulyo 25 ni PBBM, hiniling niya sa Kongreso na magpasa ng batas na lilikha sa DWR na hango sa Integrated Water Resource Management (IWRM).

Napag-usapan din ang iba’t ibang programa na magbibigay-solusyon sa mga hamong kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa probinsya at sa buong Region 2 (Cagayan Valley).

Kabilang dito ang  pagtatayo ng mga bagong dam at rehabilitasyon ng nakatayo na, at pagpapaunlad ng mga pasilidad sa post-production, mga pasilidad sa irigasyon, at renewable energy.

Kasama sa nasabing pulong sina Isabela Gov. Rodito Albano, Vice Gov. Faustino Dy III, mga kongresistang sina Antonio Albano (1st district), Ian Paul Dy (3rd district), Joseph Tan (4th district), Faustino Michael Carlos Dy III (5th district), Faustino Dy V (6th district) at Allan Ty (LPGMA party-list), at dating Cauayan City Mayor Bernard Faustino Dy. RNT