Pagtatag ng independent bloc aprub kay Zubiri

Pagtatag ng independent bloc aprub kay Zubiri

July 25, 2022 @ 10:23 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri noong Linggo na wala siyang nakikitang kalaban para sa pagkapangulo ng Senado at maaaring bumuo ng isang independent bloc sa Senado.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Zubiri na umaasa siyang 20 miyembro ng Senate majority bloc ang boboto sa kanya.

“Thankfully wala naman tayong major rival and hopefully ‘yung dalawampung miyembro namin ng majority ay bumoto para sa akin bilang Senate President,” aniya.

Nabanggit noon ni Zubiri na nakipagpulong siya kina Senator Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano na balak bumuo ng independent bloc sa 19th Congress.

“Kagabi nag-meeting kami nila Senator Alan Peter Cayetano and Senator Pia Cayetano. There’s a situation baka apat ang hindi boboto sa akin and nag-meeting po kami nila Senator Alan at Pia and ang ganda ng meeting namin,” kwento ni Zubiri.

“Ang pinag-uusapan namin baka manatili silang mga independent members ng Senado para hindi nila ako iboboto ni Senator Koko [Pimentel]… mag-abstain sila sa pagboto,” aniya.

Gayunpaman, sinabi ni Zubiri na ang independent bloc ay magkakaroon ng mga komite nito sa Senado.

“Pinagusapan na namin ni Senator Cayetano ang committees nila. Siyempre, bibigyan natin ng kaukulang paggalang bilang mga miyembro ng Senado. Ang kagandahan po nito, we agreed na magtulungan,” giit pa niya.

Nauna nang sinabi ni Senador Alan Peter na handa sila ng kanyang kapatid na si Senator Pia na maging independent at lumikha ng ikatlong bloke sa Senado dahil wala pa rin silang  desisyon kung sasali sa mayorya o minority bloc.

“Tulad ng sinabi ko, dahil hindi tayo nakatutok sa kapangyarihan o sa komite, kung hindi magkaayos, we’re willing to be independent,” ani Cayetano sa isang press conference.

Ayon kay Cayetano, maaaring mauwi sa tabla ang liderato ng minorya sakaling sumali sila sa minority bloc kasama sina Senators Aquilino “Koko” Pimentel III at Risa Hontiveros.

Nauna nang ibinunyag ni Pimentel na pumayag si Hontiveros na iboto siya bilang susunod na Senate minority leader kung hindi sasali sa bloc ang ibang mga senador. RNT