Pagtatakda ng SRP ng pulang sibuyas target ikasa ng DA ngayong Huwebes

Pagtatakda ng SRP ng pulang sibuyas target ikasa ng DA ngayong Huwebes

December 29, 2022 @ 3:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Target ng Department of Agriculture (DA) na isapinal ang rekomendasyon na ₱250 kada kilong suggested retail price (SRP) ng pulang sibuyas sa gitna ng sumirit na presyo ng produkto na umabot pa sa mahigit na ₱700 kada kilogram sa wet markets.

“We are hoping to finalize it within the day,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista.

Sinabi pa ni Evangelista na inaayos na rin ng mga opisyal ng DA ang detalye kung paano ang bagong SRP ay ipatutupad habang hinihintay ang pag-apruba nito.

Ang panukala ay inanunsyo araw ng Miyerkules matapos makipagpulong ang DA sa mga stakeholders para tugunan ang usapin.

Ang inirekumendang SRP ay mas mataas sa ₱170-per-kilo na itinakda ng DA noong Oktubre.

Sa nasabing pulong kasama ang mga stakeholders, inilatag ang mga dahilan sa ginawang pagtataas sa farmgate price ng sibuyas na hindi naman pinalawig pa ni Evangelista.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa kung ano ang dahilan kung bakit umakyat sa ₱700 kada kilo ang presyo ng pulang sibuyas.

Ang Ilan sa anggulo na kanilang tinitingnan ay ang price manipulation at smuggling.

“If this will be implemented, the ₱250 per kilo SRP will be effective until the first week of January,” ayon kay Evangelista.

“The DA and stakeholders will meet again as prices of red onions are expected to decrease due to projected better harvest next month,” aniya pa rin. Kris Jose