PAGTATAKSIL SA ASAWA

PAGTATAKSIL SA ASAWA

October 25, 2022 @ 3:58 PM 1 month ago


Pag-usapan natin isa sa mga pinaka-paboritong pag-usapan ng mga Maritess sa mga komunidad, at lubhang nakababahalang sitwasyong hinaharap ng mga pamilya sa kasalukuyan, ang adultery.

 Ang “Pangangalunya” ang direktang saling wika ng adultery na tinatawag ding pakikiagulo at pakikiapid. Nangangahulugan ito bilang pagsira sa kasunduan o pagsuway sa pangakong binitawan sa pagpapakasal sa isang tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ugnayang seksuwal sa iba pang tao, bukod sa sariling asawang pinakasalan o pinakikisamahan.

Mahigpit ang batas hinggil sa pagkilala sa kasal sa Pilipinas na nakapaloob sa Executive Order 227 o ang “Family Code of the Philippines”, tanging ang hukuman lamang ang may kapangyarihan na magpawalang-bisa nito batay sa anim na kadahilanan – absence of parental consent; mental illness; fraud; party obtained by force, intimidation and undue influence; physically incapable of consummating the marriage; at affliction of sexually-transmitted disease.

Malinaw na hindi kasama ang pangangalunya o pagtataksil sa puwedeng kadahilanan ng annulment sa ating bansa, o ang pagkakaroon ng iba o karagdagang minamahal.

Marami ng pag-aaral na naisagawa upang malaman ang mga kadahilanan kung bakit laganap ang pagtataksil sa buhay may-asawa sa ating lipunan. Kabilang sa mga itinurong dahilan ang pagiging losyang ni Misis habang tumatagal ang pagsasama. Ang dating sexy, mabango at pala-ayos na babae ay nakakalimutan nang mag-ayos ng sarili dahil sa kanyang pag-aasikaso ng mga anak at ng buong bahay.

Nagiging dahilan daw ito ng kawalan ng gana ni Mister sa pakikipagtalik dahil sa nawawalang porma ni Misis. Kung paulit-ulit daw ang mga estilong ginagawa sa kama, hindi nagiging sapat ang kaligayahang nakukuha ng lalake.

Pero ayon sa mga sikolohista, ang tunay na dahilan talaga ay ang “machismong kultura” ng mga lalakeng Pilipino. Pakiramdam daw ng mga lalakeng nangangaliwa, mas astig at guwapo sila kapag mayroong ibang babae sa kanilang buhay. Ika nga, simbolo daw ito ng pagiging lalake sa ating lipunan.

May iba’t ibang kuwento ang pagtataksil, mayroong nagaganap sa ibang babaeng nakilala sa opisina, club, at online networking sites; mayroong asawa ng kapatid; kapitbahay; o kaya’y kaibigan mismo ng asawang babae.

Pero iba-iba man ang kuwento, naghahatid ito ng ibayong sakit at pait sa puso ng asawang kinaliwa at maging sa kanilang mga anak, na madalas ay humahantong sa pagkasira ng pamilya o kaya ay sa malagim na krimen.

Ayon sa isang pag-aaral ng mga eksperto, nasa 40% o higit pang bilang ng mga mag-asawa ang may problema ukol sa pangangalunya sa bansa, at patuloy na tumataas ang bilang sa mga overseas Filipino workers. Kaya hindi kataka-taka ang malaking bilang ng single parents sa bansa na nasa 15 million o higit pa sa kasalukuyan.